Ang Vitamin B ay mahalaga sa maayos na metabolismo ng pagkain upang magamit ng katawan bilang enerhiya. Mahalaga rin ito para magamit ng katawan ang protina at mga taba (fats). Mayroong walong uri ng Vitamin B, at kabilang dito ang Vitamin B1 o Thiamin na importante para sa maayos na paggana ng bawat cells sa katawan. Ang thiamine ay maaaring makuha sa mga prutas at gulay at sa mga karne.
Gaano karaming Vitamin B1 ang kailangan ng katawan sa araw-araw?
Ang itinakdang dami ng vitamin B1 na dapat tanggapin sa bawat araw ng isang taong nasa hustong edad ay 1.4 mg. Ito ay maaari pa ring magbago, depende sa kondisyong nararanasan gaya ng pagbubuntis, katandaan, o kaya pagkakaroon ng karamdaman.
Ano ang maaaring mangyari kung sumobra sa Vitamin B1?
Ang Vitamin B1 ay ligtas at walang tiyak na epekto sa katawan ang pagsobra sa pagtanggap nito. May ilang pag-aaral pa na nagsasabing nakabubuti sa paggana ng utak ang karagdagang Vitamin B1. Sa ngayon ay walang nakatakdang limitasyon sa pagtanggap ng Vitamin B1 sa katawan.
Ano ang epekto sa katawan kung kulang ang Vitamin B1?
Ang kakulangan sa Vitamin B1 ay maaaring magdulot ng panghihina ng katawan particular nervous system at sa sirkulasyon ng dugo, na sa kalaunan ay maaaring makamatay. Kadalasang humahantong sa pagkakaroon ng sakit na beriberi at Wernicke-Korsakoff syndrome. Ito ay mga sakit na nakapagdudulot ng pagkapagod at panghihina ng puso at mga ugat na daluyan ng dugo, mga kalamnan, tiyan at bituka, at nervous system.
10 Pagkain na Mayaman sa Vitamin B1
1. Kanin
Ang kanin na isa sa mga pangunahing pagkain ng mga Pilipino ay isa sa mga mayamang mapagkukunan ng Vitamin B1. Mayroon itong 3.25 mg ng Vitamin B1 sa bawat tasa ng kanin.
Image Source: unsplash.com
2. Karneng baboy
Mayroong 2.66 mg na Vitamin B1 sa isang hiwa ng pork chop.
Image Source: unsplash.com
3. Mani
Ang isang tasa ng mani ay maaaring mapagkunan ng 0.44 mg ng Vitamin B1.
Image Source: www.healthline.com
4. Buto ng sunflower
Ang isa ring paboritong pulutan ay kilalang mayaman din sa Vitamin B1. Tinatayang aabot sa 0.68 mg ang Vitamin B1 na makukuha sa isang tasa ng buto ng sunflower.
Image Source: www.healthline.com
5. Tinapay
Ang Vitamin B1 na makukuha sa baway slice ng tinapay ay tinatayang aabot sa 0.14 mg. Ito ay katumbas ng 9% ng pang-araw-araw pangangailangan ng tao sa Vitamin B1.
Image Source: www.supermarketperimeter.com
6. Green peas
Ang isang tasa ng green peas ay mayroong 0.45 mg ng Vitamin B1.
Image Source: www.pexels.com
7. Kalabasa
Ang kalabasa na kilalang mayaman sa Vitamin A ay mapagkukunan din ng Vitamin B1. Umaabot sa 0.17 mg ng Vitamin B1 ang 100 gramo ng gulay na ito.
Image Source: buklat.blogspot.com
8. Okra
Ang gulay na okra ay maaring mapagkunan ng Vitamin B1. Ang isang tasa nito ay mayroong 0.20 mg ng Vitamin B1.
Image Source: www.medicalnewstoday.com
9. Pasta
Ang mga pasta tulad ng spaghetti at macaroni ay may mataas din na Vitamin B1. Tinatayang aabot sa 0.49 mg ng Vitamin B1 sa bawat 100 gramo ng pasta.
Image Source: freefoodphotos.com
10. Sesame seeds
Ang 100 gramo ng buto ng sesame ay mayroong 1.21 mg ng Vitamin B1.
Image Source: www.britannica.com