Vitamin B12 o Cobalamin

Ang Vitamin B12 o Cobalamin ay isa sa walong uri ng Vitamin B na may malaking papel sa metabolismo ng mga cell, at sa pagbuo at pagreregulisa ng DNA. Kilala ang Vitamin B12 bilang pinakamalaki at pinakakomplikadong uri ng bitamina na tinatanggap ng tao. Ito ay responsable sa maayos na paggana ng utak at iba pang bahagi ng central nervous system, at sa pagbuo ng dugo. Tumutulong din ito sa metabolismo ng mga taba (fats) at mga amino acid. Karaniwan itong nakukuha sa mga karne, isda, at mga produktong yari sa gatas. Ang bitaminang ito rin ay maaaring mabuo sa pamamagitan ng mga proseso sa laboratryo.

Ang Vitamin B12 ay maaari ding makuha sa mga supplement na karaniwang inirereseta para gamutin ang kakulangan sa Vitamin B12, kondisyon ng anemia, at maging sa pagpapabuti ng pag-iisip at memorya.

Gaano karaming Vitamin B12 ang kailangan ng katawan sa araw-araw?

Ang rekomendadong dami ng vitamin B12 na dapat tanggapin sa bawat araw ng isang taong nasa hustong edad ay 2.4 micrograms. Ito ay maaari pa ring magbago, depende sa kondisyong nararanasan gaya ng pagbubuntis, katandaan, o kaya pagkakaroon ng karamdaman.

Ano ang maaaring mangyari kung sumobra sa Vitamin B12?

Dahil ang Vitamin B12 ay madaling humahalo sa tubig (water soluble), ito ay madaling nareregulisa ng katawan. Kaya naman, bibihira lamang ang kaso ng pagkaoverdose nito. Walang itinakdang limitasyon para dito sapagkat ang kasobrahan nito ay maaaring mailabas bilang ihi o kaya ay maiimbak sa atay.

Ano ang epekto sa katawan kung kulang ang Vitamin B12?

Ang katamtamang kakulangan ng Vitamin B12 ay maaaring humantong sa pagkakaroon ng anemia, madaling pagkapagod, depresyon at problema sa pagmememorya, habang ang sobrang kakulangan naman ay maaaring magresulta sa pagkakaroon ng pinsala sa utak at central nervous system

10 Pagkain na Mayaman sa Vitamin B12

1. Talaba

Ang mga lamang-dagat na nasa shell gaya ng talaba, tulya at tahong ay kilalang mayaman sa Vitamin B12. Halimbawa, sa 100 gramo ng talaba o oyster, maaaring makakuha ng hanggang 11.5 microgram ng cobalamin.

2. Atay

Ang atay ay mayroon ding mataas na lebel ng cobalamin. Halimbawa rin, sa 100 gramo ng atay ng manok, mayroong 3.22 microgram ng cobalamin.

Image Source: wearenotfoodies.com

3. Tuna

Ang isdang tuna ay mayroon namang 10.9 microgram ng cobalamin sa bawat 100 gramo nito.

4. Sardinas

Ang sardinas na nakalata na karaniwang kinakain ng mga Pilipino ay may mataas na Vitamin B12. Hanggang 3.6 microgram ng cobalamin ang maaaring makuha dito.

Image Source: www.casabaluartefilipinorecipes.com

5. Alimango

Ang 100 gramo naman ng laman ng alimango ay maaaring makuhanan ng hanggang 11.5 microgram ng Vitamin B12.

Image Source: carolfinds.blogspot.com

6. Tokwa

Ang isang pakete ng tokwa na umaabot sa 91 na gramo ay maaaring makuhanan ng hanggang 2.2 microgram ng Vitamin B12.

Image Source: www.hungryhuy.com

7. Karneng baka

Ang karne ng baka ay maaari ding makuhanan ng Vitamin B12 na tinatayang umaabot sa 6 microgram ng cobalamin. Ito ay sa bawat 100 gramo ng purong laman ng karneng baka.

Image Source: www.freepik.com

8. Keso

Umaabot naman sa 3.3 microgram ng cobalamin ang maaaring makuha sa 100 gramo ng keso.

Image Source: www.thejakartapost.com

9. Itlog

Sa isang buong itlog na may katamtamang laki, maaaring makakuha ng hanggang 0.36 microgram ng Vitamin B12. Dapat tandaan na ang karamihan ng bitamina ay nakasentro sa pula ng itlog.

10. Karneng manok

Ang cobalamin sa isang tasa o 140 na gramo ng purong karne ng manok ay maaaring umabot sa 0.43 microgram.

Image Source: www.eatthismuch.com