Ang Vitamin B2 o riboflavin ay isa sa walong Vitamin B na mahalaga sa metabolismo ng pagkain upang magamit ng katawan bilang enerhiya. Mahalaga ring ginagampanan ng bitaminang ito ang maraming papel sa maayos na paggana ng mga cells sa katawan. Ang natural na vitamin B2 ay kadalasang nakukuha sa gatas, karne, itlog, mga mani, at ilang gulay.
Mayroon ding mga Vitamin B2 na nakahanda bilang gamot o supplement na maaaring ireseta para sa kakulangan ng riboflavin sa katawan, pag-iwas sa cervical cancer at pananakit ng ulo dahil sa migraine. Ginagamit din ang supplement para mabawasan ang pagtatagihawat, pananakit ng kalamnan dahil sa pulikat, at pagpapabuti ng kondisyon ng mata na mayroong katarata at glaucoma.
Gaano karaming Vitamin B2 ang kailangan ng katawan sa araw-araw?
Ang itinakdang dami ng vitamin B2 na dapat tanggapin sa bawat araw ng isang taong nasa hustong edad ay 1.7 mg. Ito ay maaari pa ring magbago, depende sa kondisyong nararanasan gaya ng pagbubuntis, katandaan, o kaya pagkakaroon ng karamdaman.
Ano ang maaaring mangyari kung sumobra sa Vitamin B2?
Ang Vitamin B2 ay ligtas at walang tiyak na epekto sa katawan ang sobrang sa pagtanggap nito. Dahil ito ay madaling humalo sa tubig (water soluble), madaling nailalabas ang sobrang riboflavin bilang ihi. Maaari lamang itong magdulot ng paninilaw sa ihi. Sa ngayon ay walang nakatakdang limitasyon sa pagtanggap ng Vitamin B2 sa katawan.
Ano ang epekto sa katawan kung kulang ang Vitamin B2?
Ang kakulangan sa Vitamin B2 ay maaaring magdulot ng pabibitak-bitak ng labi, pamamaga at pagkakaroon ng mga singaw sa bibig, pananakit ng lalamunan, at makadagdag ng posibilidad ng pagkakaroon ng iron deficiency anemia.
10 Pagkain na Mayaman sa Vitamin B2
1. Keso
Isa sa mga pagkaing may pinakamataas na lebel ng Vitamin B2 ay mga keso, lalo na ang kesong nagmula sa gatas ng kambing. Tinatayang aabot sa 1.38 mg ng Vitamin B2 ang makukuha sa 100 gramo ng kesong mula sa gatas ng kambing.

2. Almond
Ang isang tasa ng almond ay maaaring mapagkunan ng hanggang 1.45 mg ng riboflavin.

3. Karne ng baka
Ang karneng baka na madali namang nabibili sa mga pamilihan ay mayaman rin sa Vitamin B2. Aabot sa 0.86 mg ng riboflavin ang maaaring makuha sa 100 gramo ng karne.

4. Salmon
Ang isdang salmon ay kilalang mapagkukunan ng Vitamin B2. Mayroong 0.19 mg ng riboflavin sa 85 na gramo ng isdang ito.
5. Itlog
Ang itlog ay mayroon ding vitamin B2. Ang isang itlog na may katamtamang laki ay mapagkukunan ng hanggang 0.26 mg ng Vitamin B2.
6. Karne ng baboy
Ang karneng baboy rin ay mayaman sa Vitamin B2. Ang isang hiwa ng pork chop ay tinatayang mapagkukunan ng 0.43 mg ng Vitamin B2.
7. Kabute
Ang isang tasa ng kabute ay maaaring mapagkunan ng hanggang 0.43 mg ng Vitamin B2.
8. Sesame seeds
Ang maliliit na butil ng sesame seeds ay kilalang napagkukunan din ng Vitamin B2. Ang isang tasa nito ay maaaring mapagkunan ng hanggang 0.60 mg ng Vitamin B2.

9. Pusit
Ang mga seafood gaya ng pusit ay mayroon ding Vitamin B2. Tintatayang may 0.46 mg ng riboflavin sa 100 gramo ng pusit.
10. Spinach
Mapagkukunan din ng Vitamin B2 ang mga berde at madahong gulay tulad ng spinach. Mayroong 0.24 mg ng riboflavin sa 100 gramo ng dahong gulay na ito.