Ang zinc ay isang uri ng mahalagang mineral na kailangan ng katawan para mabuhay. May ilang malalaking papel itong ginagampanan sa pagpapanatiling maayos ng kalusugan ng bawat indibidwal, kabilang ang pagpapatibay ng resistensya ng katawan, paghihilom ng mga sugat, pagpoproseso ng protina, sa pagbubuo ng DNA, sa proseso ng cell division, at maging sa paglaki at mga pagbabagong nararansan mula pagkabata hanggang sa pagtanda. May papel din ito sa higit 100 proseso ng enzymes sa katawan, at sa maayos na panlasa at pang-amoy.
Likas namang makikita ang mineral na ito sa ilang mga pagkain partikular sa mga sea food, mga karne, at sa mga butil o beans.
Gaano karaming Zinc ang kinakailangan ng katawan araw-araw?
Ang itinakdang dami ng zinc na dapat tanggapin sa bawat araw ng isang taong malusog at nasa hustong edad ay 11 mg. Ito ay maaari pa ring magbago, depende sa kasarian at mga kondisyong nararanasan gaya ng pagbubuntis, katandaan, o kaya pagkakaroon ng karamdaman.
Anong maaaring mangyari kung sumobra sa Zinc?
Ang sobrang zinc sa katawan ay maaring makalason at makasama sa kalusugan. Ang itinakdang limitasyon para sa mineral zinc ay hanggang 40 mg lamang bawat araw. Maaaring humantong sa pagsusuka, pagliliyo, kawalan ng gana sa pagkain, pagtatae, pananakit ng mga kalamnan sa sikmura, at pananakit ng ulo ang sobrang zinc. Maaari rin itong magdulot ng problema sa pagsipsip ng katawan sa ibang mineral gaya ng Iron at Copper.
Anong maaaring mangyari kung magkulang sa Zinc?
Sa kabilang banda, ang kakulangan naman sa mineral na ito ay maaaring magdulot ng problema sa pagtangkad, pagtatae, pagkalagas ng buhok, problema sa balat at mata, paghina ng resistensya, at kawalan ng gana sa pakikipagtalik. Maaari ding dumanas ng problema sa panlasa at pang-amoy, at kawalan ng gana sa pagkain.
10 Pagkain na mayaman sa Zinc
1. Talaba
Ang lamang dagat na talaba o oyster ay kilalang may mataas na lebel ng mineral na zinc. Tinatayang aabot sa 33 mg ng zinc ang maaaring makuha sa pagkain ng 6 na piraso nito.
2. Alimango
Ang alimango na isa ring lamang dagat ay may mataas din na lebel ng mineral na zinc. Ang 85 na gramo ng karne ng alimango ay maaaring makuhanan ng hanggang 6.45 mg ng zinc.

3. Karneng baka
Ang 100 gramo naman ng purong karneng baka ay maaaring magtaglay ng hanggang 12.3 mg ng mineral na zinc.

4. Lobster
Isa pang lamang dagat na may mataas na lebel ng zinc ay ang lobster o malaking sugpo. Ang 85 na gramo rin ng lamang dagat na ito ay nagtataglay ng 6.15 mg ng zinc.

5. Karneng baboy
Ang 30z ng karneng baboy na nakahiwang pork chop ay maaaring makuhanan ng 2.9 mg ng mineral na zinc.
6. Kasoy
Ang isang tasa ng kasoy ay maaari namang magtaglay ng hanggang 7.7 mg ng zinc.

7. Buto ng kalabasa
Hanggang 6.6 mg naman ng mineral na zinc ang maaaring makuha sa nilutong buto ng kalabasa.
8. Tsokolate
Maaaring umabot sa 5.9 mg ang mineral na zinc na maaaring makuha saisang tasa ng inuming tsokolate na puro.

9. Karne ng manok
Ang karne ng manok, partikular sa bahagi ng hita ay nagtataglay ng hanggang 2.25 mg ng zinc sa bawat drumstick o hita ng manok.
10. Kabute
Ang isang tasa naman ng karaniwang kabute ay may taglay na 1.4 mg ng zinc.
