Ano ang pills?
Ang “pills” ay mga gamot para sa mga babae upang mapigilan ang pagbubuntis.
Ito’y isang mabisang paraan ng contraception. Ang pinaka-karaniwang pills ngayon ang binubuo ng dalawang ‘hormones’ ng babae: estrogen at progesterone, pero meron din namang binubuo ng isa lamang sa mga ito.
Paano gumagana ang pills?
Ito’y gumagana sa pamamagitan ng pagpigil sa proseso na tinawag na “ovulation” – hindi nakakapunta ang itlog ng babae sa lugar kung saan maaari itong maabot ng sperm cell ng lalaki. Isa pa, pinapalapot rin ng pills ang likido na nakabalot sa bukana ng matris (ang ‘cervix’), at sa gayon ay pinipigilan rin ang pagpasok ng semilya ng lalaki.
Ano ang iba’t ibang uri ng pills?
Image Source: www.freepik.com
Ang pinaka-karaniwang pills ay ang mga “combination pills” (OCP), na pinagsasama ang dalawang ‘hormone’, estrogen and progesterone. Meron ding pills na progesterone lamang ang taglay, ang mga “progestin-only pills”. Ang kaibahan nitong dalawang uri ng pills na ito ay ganito: sa combination pills, ang mga gumagamit nito ay dinudugo parin ng buwanan; sa progestin-only pills (POP), “spotting” lamang ang nangyayari sa loob ng ilang buwan, basta’t regular ang gamit nito.
Paano gumamit ng pills?
Kung OCP ang gamit, ang isang pakete ng pills ay karaniwang may 21 o 28 na tableta, depende sa tatak. Kung 21 ang laman ng pakete, uminom ng isang tableta araw-araw, at pag naubos na ito, tumigil ng 7 na araw bago magsimula ulit ng bagong pakete na 21 na araw ulit. Kung 28 ang laman ng pakete, uminom lang ng isang tableta araw-araw. Siguraduhing hindi makakalimutang uminom araw-araw. Kung POP naman ang gamit, tuloy-tuloy lamang ang pag-gamit nito. Mahalagang tandaan ang dapat, regular ang pag-inom ng pills at sakto sa oras: kung 9 PM ka umiinom, dapat palaging 9 PM.
Mga dapat tandaan
- Sa unang linggo ng pag-inom ng pills ay hindi pa umeepkto ito at may posibilidad parin na mabuntis, kaya gumamit parin ng ibang paraan ng family planning gaya ng condom.
- Kung ikaw ay nakalimot uminom ng pills, huwag subukang ‘bawiin’ ito sa pamamagitan ng pag-inom ng dalawa pill sa isang araw.
- Ang pagiging epektibo ng mga pills ay naka-dependede sa pagiging regular ng gamit nito. Kung ma-hinto ang pag-inom, maaaring magkaron ng pagdudugo (“breakthrough bleeding”) at mabawasan ang pagiging epektibo nito bilang contraception.
Ano ang mga side effects ng pills?
- Pagbabago sa menstruation o regla
- Pagbabago ng timbang – pero ito’y hindi kasing karaniwan kaysa nauulat sa iba’t ibang kasulatan, gaya ng mga magazine.
- Pagka-wala ng pimples o acne
- Pagbuti ng mga sintomas kaugnay ng iba’t ibang karamdaman ng mga babae gaya ng pamamaga ng matris