Paano maagapan ang almoranas kung bago pa lang?

Q: paano po ba malunasan ang sakit sa almoranas kung bago pa lang?

A: Ang mga almoranas o hemorrhoids ay mga namuong ugat (veins) sa labas at loob ng puwet. Ang pagkakaron ng mga ugat na ito, at ang kanilang paglala, paglaki, o pagdami, ay dahil sa presyon sa puwet na maaaring mapalala ng pag-iri, pag-upo ng matagal sa toilet, at pagtitibi.

Kung kaya’t sundin ang mga sumusunod upang malunasan ang almoranas habang maaga:

  • Uminom ng maraming tubig bawat araw, mula 8-10 baso.
  • Kumain ng mga pagkain na mataas sa fiber, gaya ng mga prutas at gulay.
  • Iwasan ang pag-iri habang dumudumi.
  • Panatilihing regular ang pagdumi, mas maganda kung araw-araw.
  • Mag-ehersisyo ng regular upang mabawasan ang presyon sa mga ugat.
  • Iwasan ang mga pagkain na sa iyong karanasan ay nagpapatibi. Iwasan din ang pag-inom ng alak.

Huwag mag-atubiling magpatingin sa iyong doktor upang magabayan ka sa karamdaman na ito.