Paano maiiwasan ang pagdurugo ng ilong o balingoyngoy?

Ang pagdurugo ng ilong o balingoyngoy ay isang pangkaraniwang kondisyon na maaaring resulta ng pagsundot o pagkalikot nang marahas sa ilong, sobrang panunuyo ng hangin, iritasyon sa loob ng ilong, o kaya pagkakaroon ng karamdaman o kakulangan sa nutrisyon. Pero dahil sa ilang mga padalos-dalos na gawain at kapabayaan sa kalusugan, maaaring mapadalas ang pagkakaranas ng balingoyngoy.

Upang maiwasan ang dalas ng pagdurugo ng ilong, narito ang ilang mga tips na tiyak na makatutulong.

1. Karagdagang Vitamin C at Zinc

Ang vitamin C at zinc ay parehong nutrisyon na tumutulong sa pagpapatibay ng mga ugat na daluyan ng dugo sa buong katawan. Sa tulong ng mga sustansyang ito, mas mapapaliit ang tsansa na masira ang ugat sa ilong at magsanhi ng balingoyngoy.

2. Karagdagang iron

Makabubuti rin para sa kalusugan, lalo na sa dumaranas ng madalas na pagdurugo ng ilong, ang pagkain ng mga pagkaing mayaman sa iron. Ang kakulangan ng iron sa dugo ay maaaring sanhi rin ng madalas na pagkakaranas ng balingoyngoy.

3. Pagkontrol sa presyon ng dugo

Ang pagtaas ng presyon ng dugo o altapresyon ay isa ring karamdaman na maaaring magdulot ng pagdurugo ng ilong. Sintomas ng lumalalang kondisyon ang madalas na pagdurugo na nararanasan. Mainam na makontrol agad ang presyon ng dugo na maaaring maging sanhi pa ng mas seryosong mga kondisyon.

4. Huwag manigarilyo

Ang paninigarilyo ay hitik na hitik sa pagdadala ng mga negatibong epekto sa ating kalusugan. Isa na rito ang panunuyo ng loob ng ilong at iritasyon na maaaring magdulot ng pagdurugo. Itigil ang paninigarilyo sa lalong madaling panahon.

5. Gumamit ng malambot na pamunas sa pagkalikot ng ilong.

Kung ninanais linisin ang loob ng ilong, makabubuting gumamit ng malambot na pamunas gaya ng tissue paper o panyo sa halip na daliri lamang. Isa sa mga nangungunang sanhi ng balingoyngoy ay sugat sa loob ng ilong na dulot ng marahas na pagkalikot sa ilong.