Isang realidad na kasabay ng pagtanda ng tao ay ang pangungulubot ng mga balat sa iba’t ibang bahagi ng katawan. Kaugnay nito, isa ring realidad na marami ang nag-aasam na manatiling kutis bata lalong-lalo na ang balat sa mukha. Kaya naman, marami ang talagang nahihikayat sa paggamit ng mga produktong anti-aging, gayundin ang mga sumasailalim sa mga mamahaling mga cosmetic procedure. Ngunit lingid sa kaalaman ng marami, may mga madadali at murang paraan naman para maiwasang mangulubot nang husto ang balat sa mukha lalo na sa pagsapit ng katandaan.
Narito ang mga payo ng mga doktor para maiwasan ang pangungulubot ng mukha.
1. Umiwas sa init ng araw.
Sa maniwala kayo o sa hindi, ang UV rays mula sa sinag ng araw ang pangunahing dahilan ng pangungulubot ng balat. Mas pinapabilis kasi nito ang pagkasira ng mga cells sa balat na nakaka-kontribyut sa pangungulubot. Mainam kung gagamit ng sunscreen o sunblock kung lalabas sa initan, o kaya ay gumamit ng sombrero na magpoprotekta mula sa init ng araw. Basahin ang masasamang epekto sa balat ng ultraviolet rays mula sa araw: Masasamang epekto ng UV light.
2. Iwasang matulog nang nakadapa sa unan.
Ang ugaling pagtulog nang nakaharap sa unan ay nakaka-kontribyut din sa pagkakaroon ng mga linya at kulubot sa mukha. Mainam kung papanatilihing pa-tihaya ang posisyon sa pagtulog.
3. Huwag manigarilyo
Ang mga kemikal na nakukuha sa paghithit ng sigarilyo, bukod sa hindi mabilang na masamang epekto nito sa kalusugan, ay malaking salik din sa pangungulubot ng balat lalo na sa pagtanda. Basahin ang masasamang epekto ng sigarilyo sa kalusugan: 10 Dahilan para itigil ang paninigarilyo.
4. Gumamit ng moisturizer
Ang mga moisturizier ay makatutulong para maiwasan ang pangungulubot kahit pansamantala lamang. Basahin ang iba’t ibang paraan ng pag-iwas sa panunuyo ng balat: 8 Tips para maiwasan ang panunuyo ng balat.
5. Iwasan ang pagbusangot at pagkukunot ng noo
Ang pagkukunot ng noo at madalas na magbusangot ay malaking salik din sa pagkakaroon ng kulubot na balat sa mukha. Kaya’t mainam lamang na laging maging masaya at umiwas sa mga stress ng buhay upang manatiling bata ang balat sa mukha.