Ang mga aksidente ay nangyayari minsan sa buhay ng isang tao. At kaakibat ng mga aksidenteng ito ay ang pagkakaroon ng sugat. At siyempre, bilang bahagi ng paghilom ng sugat na natamo, nagkakaroon tayo ng peklat. Ang peklat ay ang makapal, maaaring nakaumbok, at kadalasang may ibang kulay kumpara sa karaniwang kutis ng balat. Ito ay collagen fibers na nagsisilbing natural na pandikit o glue ng katawan upang isaayos muli ang balat na nasugatan.
Sa katunayan, wala naman talagang paraan para maiwasan ang pagkakaroon ng peklat, bagaman may mga hakbang naman na makatutulong para mapaliit at hindi maging kapansin-pansin ang peklat.
1. Linisin at alagaan ang sariwang sugat.
Laging lilinisin at pangangalagaan ang sariwang sugat upang maiwasan ang paglaki at pagkakaroon ng kapansin-pansin na peklat. Hugasan ang sugat gamit ang sabon at tubig, at saka patuyuin.
2. Gamitan ng gamot ang sugat at takpan ng bandage kung kinakailangan.
Pahiran ng antibiotic na gamot ang sugat upang maiwasan ang impeksyon at mapabilis pa ang paghilom ng sugat. Takpan din ito ng benda kung kinakailangan upang maiwasang madumihan. Ang pagkakaroon ng impeksyon ay maaaring makapagpalala ng sugat at syempre pagkakaroon ng mas malaking peklat.
3. Huwag kutkutin ang natutuyong sugat.
Ang natutuyong sugat o scabs ay iwasang kutkutin sapagkat ito ay bahagi ng proseso ng paghilom ng sugat. Kung kukutkutin ito, maaaring mabuksan muli ang sugat at magkaroon ng mas malaking peklat. Hayaan lamang ito sapagkat kusa naman itong matutuklap.
4. Iwasang maarawan ang naghihilom na sugat.
Ang pagkakabilad ng sugat ang karaniwang tinuturong dahilan ng pag-iiba ng kulay na peklat kumpara sa karaniwang kutis ng balat. Iwasang maaarawan ang naghihilom na sugat sa loob ng 1 hanggang 3 buwan. Maaaring takpan ng gasa ang sugat o kaya ay lagyan ito ng sunscreen lotion.
5. Lagyan ng petroleum jelly ang naghihilom na sugat
Inirerekomenda din ang pagpapahid ng petroleum jelly sa sugat na naghihilom upang maiwasan ang panunuyo nito. Kinakailangan kasing mapanatiling moist ang naghihilom na sugat upang matulungan ito na maghilom pa nang mas mabilis.
6. Masahihin ang naghihilom na sugat.
Ang marahan at madalas na pagmamasahe sa naghihilom na sugat, lalo na sa unang buwan ng pagkakaroon nito, ay makatutulong para mapaliit din ang peklat.