Isa sa pinaka-popular na paksa ng mga katanungan ay ang tungkol sa mga STD o mga sakit na nakukuha sa pakikipag-sex. May isang kasabihan ang mga doktor: “Mas mabuti ang pag-iwas kaysa sa pag-lunas.” Ito ay totoo sa mga STD, sapagkat may ilan dito na kung mahawa ka ay hindi na mawawala sa iyong katawan (gaya ng HIV/AIDS). Ang pagkakaron ng STD ay posible ring makasira sa mga relationships, at masakit sa bulsa kung ikaw ay kailangang bumili ng mga gamot para dito.
Paano nga ba umiwas sa mga STD? Narito ang sampung alituntunin upang maka-iwas sa mga sakit na nakukuha sa pakikipag-sex:
1. Pag-iwas sa sex. Kung wala kang ka-sex, wala ka ring mahahawa. Simple lang diba? Pero sa totoong buhay alam kong mahirap itong gawin para sa karamihan. Subalit kung makakayanan, ito ang pinakamabisang paraan upang makaiwas sa STD.
2. Pagiging matapat. Sapagkat ang mga STD ay nahahawa mula sa ibang tao, kung may dalawang tao na walang STD ay ang tanging magkapartner sa sex, hindi sila magkakahawahan. Kaya’t ang pagkakaron ng isang matapat na samahan ay isa ring paraan ng pag-iwas sa STD. Subalitt mahalaga na pareho kayong matapat ng partner mo. Hindi pwedeng ikaw lang, o siya lang.
3. Pag-iwas sa pakikipagsex sa kung sino-sino. Karamihan ng STD ay nakukuha sa pakikipag-sex sa kung kani-kanino, at kasama na dito ang mga commercial sex worker o mga babae (at lalaki) na pwedeng bayaran para makipagsex. Kung ikaw ay lalaki, kasama rin dito ang pakikipag-sex sa kapwa lalaki at kung ikaw ay babae, kasama dito ang pakikipagsex sa kapwa babae.
4. Paggamit ng condom. Kung hindi mo talaga magagawa ang mga naunang payo, gumamit ka ng condom kung ikaw ay lalaki, at kung ikaw ay babae, siguraduhin mong gumamit ng condom ay iyong kapartner na lalaki. Ang paggamit ng condom ay dapat gawin sa vaginal sex (pagpasok ng ari ng lalaki sa pwerta na babae) at anal sex (pagpasok ng ari ng lalaki sa puwet ng babae o lalaki). Tingnan ang artikulong “Paano gumamit ng condom?” para sa wastong pagggamit ng condom. Tandaan na ang condom, bagamat malaking tulong sa pag-iwas ng STD, ay hindi 100% effective.
Image Source: acsh.org
5. Pag-iwas sa mga ‘high-risk behaviors’. Bawat ‘uri’ ng sex ay may mga risk o panganib. Ang ‘anal sex’ ay ‘high risk’ sapagkat manipis lamang ang balat sa puwet kaya madaling malipat ang mga impeksyon kagaya ng HIV/AIDS. Ngunit maging ang ‘oral sex’ o pagsubo/pagtsupa ng ari ng lalaki o ari ng babae ay pwede ring maging paraan upang mahawa ang ilan sa mga STD.
6. Pag-iwas sa alak at droga habang nakikipagsex. Kapag ang isang tao ay lasing o ‘high’ sa droga, ang ating mga inhibisyon ay nawawala at madali tayong madala, mahiritin, o mapagawa ng mga bagay na hindi natin nais. Maraming kababaihan ang napapagsamantalahan habang sila’y lasing. Mas madaling mapapayag na hindi mag-condom, o makalimot, kapag lasing na.
7. Pag-oobserba sa mga maagang sintomas. Obserbahang mabuti ang iyong ari sa mga sintomas ng STD gaya ng pigsa, bukol, singaw, nana, pagkirot, kulugo, pagbabago ng kulay, at iba pa – at ipatingin ito habang maaga.
8. Pagpapatingin habang maaga. Bagamat nakakahiyang ipatingin sa doktor ang ganitong mga maselang bagay, mahalagang mabigyan ng wastong gamot para maiwasan ang mga komplikasyon. Halimbawa, ang sakit na syphilis ay magpapakita bilang isang bukol lamang at mawawala ng kusa, subalit makalipas ang ilang buwan maaari itong bumalik sa mas malalang anyo. Kung ikaw ay nagkaron ng STD, kailangan mo ring tapatin ang iyong sex partner tungkol dito sapagkat baka pati sya ay nahawa mo. Mahirap itong gawin sapagkat ito’y pag-amin ng kasalanan, ngunit ito ay makakabuti sa inyong dalawa.
9. Pagsunod sa tamang gamutan. Ang mga mikrobyo na sanhi ng STD ay nasasanay na sa mga antibiotics na iniinom ng tao at dahil dito, palakas sila ng palakas, at minsan, umaabot sa punto na hindi na tumatalab sa kanila ang mga lumang antibiotics. Kaya kailangang gumawa ng bago (at mas mahal) na antibiotics. Isang paraan upang mapigilan ito ay ang pagsunod sa reseta ng doktor. Kung sinabing uminom ng antibiotics ng pitong araw, inumin ito hanggang sa ika-7 araw. Ito ay para matiyak na nasupil ang mikrobyo.
10. Pag-iwas sa mga pekeng gamot. Dahil nga desperado at nahihiya ang mga taong may STD, madali silang mauto sa mga pangakong gamot – mapa-herbal o mapa-supplement man – na di umano’y nakakagaling ng mga STD. Maging wais at mapanuri sa ganitong mga produkto.
Bukod sa mga payong ating nabanggit, dapat ding tandaan na ang mga ito ay WALANG EPEKTO sa pag-iwas sa STD; huwag umasa sa mga ito:
- Ang paghuhugas ng ari at paliligo makatapos makipag-sex
- Ang pag-inom ng isang tableta ng antibiotics pagkatapos ng sex
- Ang pag-ihi pagkatapos makipagsex
- Ang pag-inom ng pills para sa mga babae