Sapagkat ang sakit na chikungunya ang dala ng mga lamok, at pag-iwas at pagsupil, sa mga lamok ay ang tanging paraan para makaiwas sa sakit na ito. Katulad rin ng pag-iwas sa dengue ang mga paraan upang maka-iwas sa chikungunya:
- Makipag-ugnayan sa inyong barangay o komunidad upang masupil ang paglaganap ng lamok sa inyong lugar. Kailangang hanapin ang mga balde, mga “pool”, patay na ilog, o ibang lalagyan ng tubig na hindi dumadaloy sapagkat dito nangingitlog at nagpapadami ang mga lamok. Ang mga barangay na may mga naitalang kaso ng dengue ay dapat ring makipag-ugnayan sa munisipyo, syudad, o DOH para sa mga iba pang maaaring gawin gaya ng fumigation.
- Makibalita. May naiulat ba na kaso ng dengue sa inyong komunidad? Sa mga kapit-bahay, o sa eskwelahan ng inyong mga anak? Kung oo, nangangahulungang mayroong mga lamok na may dengue sa inyong lugar at dapat mas lalong maging maingat.
- Gumamit ng insect repellent, gaya ng Off lotion at mga katol, upang hindi makalapit ang mga lamok sa inyong paligid.
- Iwasang lumabas sa bahay ng maaga (pasikat pa lamang ang araw) at dapit-hapon. Tandaan na aktibo ang mag lamok sa madaling araw hanggang bagong-sikat ang araw, at sa dapit-hapon hanggang pagdilim.
- Siguraduhing nakasara ang inyong bintana at protektado ang inyong bahay sa mga lamok. Pag-isipan ang paggamit ng mga kulambo. May screen ba ang inyong mga bintana at pinto? Magandang puhanan ito upang maka-iwas sa sakit.