Ang pagkakaroon ng sakit na COPD ay may malinaw na dahilan, at iyon ay ang paninigarilyo. Kung kaya, malinaw rin ang paraan para ito ay maiwasan. Huwag nang manigarilyo o kaya’y itigil na ang nakasanayang gawain na ito. Madaling sabihin ngunit mahirap gawin lalo na sa mga taong nasanay na at ginawa na itong parte ng kanilang buhay. Upang epektibong matigil ang paninigarilyo, kinakailangan ang disiplina sa sarili at pagsunod sa ilang programa na tumutulong sa pagtigil nito. Makatutulong din ang ilang gawaing at aktibidad, gaya ng regular na pag-eehersisyo at pagkain ng masusustansya, na nakapagpapasigla ng kabuuang kalusugan ng tao pati na ang mga baga.