Ang pangunahing paraan para maiwasan ang pagkalat ng sakit na filariasis sa isang komunidad ay sa pamamagitan ng pag-inom ng gamot na albendazole kasabay ng ivermectin o kaya diethylcarbamazine citrate taon-taon. Dahil dito, nababawasan ang pagdami ng bulate sa dugo kung kaya’t napipigil ang transmission cycle o ang paglipat ng bulate mula sa dugo patungo sa lamok na kumakagat. Sa paglipas ng ilang taon na gamutan, napupurga ang presensya ng parasitikong bulate sa buong komunidad.
Makakatulong din na makaiwas sa pagkakasakit kung iiwas mismo sa mga lugar na may napapabalitaang kaso ng filariasis. Bagaman maliit lamang ang posibilidad na mahawa sa isang panandaliang paninirahan sa isang komunidad na may filaria, mas makabubuti pa rin na agapan na ang pagpunta sa mga lugar na ito hanggat maaari. Kung hindi naman maiwasang pumunta, siguraduhing gumamit ng kulambo sa pagtulog at gumamit din ng mga insect-repellant na lotion.