Paano makaiwas sa sakit sa bato o kidney disease?

Narito ang ilan pang karagdagang mga payo para maka-iwas sa pagkakaron ng sakit sa bato. Kahit na ikaw na na-diagnose na may sakit sa bato, dapat paring gawin ang mga bagay na ito para mapagal ang paglala ng sakit:

Pagtigil sa paninigarilyo at pagbabawas sa pag-inom ng alak

Dahil ang paninigarilyo ay maraming masamang epekto sa katawan, ang pagtigil sa bisyong ito ay malaki ang benepisyo sa mga may sakit sa bato. Ang totoo, ayon sa ilang pag-aaral ay mas napapasama ng paninigarilyo ang sakit sa bato. Ang pag-inom ng alak ay dapat ding bawasan o tigilan.

Pagkain ng mababa ang asin o hindi maalat

Rekomendado para sa mga may sakit sa bato na 6 grams lamang ng asin ang makokomsumo sa isang araw. Iwasan ang mga pagkain na maaalat gaya ng mga pagkain na madaming toyo at patis, daing at tuyo, mga keso at cheese spread, mga seasoning at flavouring na artipisyal, mga karne, at iba pa.

Pagkain ng mababa sa saturated fat (taba)

Ang saturated fat ay ang uri ng taba na pinaka-nakakasama sa katawan kung nasobrahan. Kabilang sa mga pagkain na mataas sa saturated fat ay ang mga karne, mantekilya, keso, mga biscuit, mga junk food at iba pang tsitsirya, at iba pa. Sa halip na kumain ng mga ito, mas magandang kumain ng mga pagkain na mataas sa unsaturated fat gaya ng avocado, mga isdang dagat gaya ng salmon at tuna, mga mani at buto, at pag-gamit ng olive oil o sunflower oil sa halip na corn oil.

Pag-eehersisyo ng regular

Ayon sa maraming pag-aaral, ang pag-eehersisyo ng limang beses sa isang linggo, ng 30 minuto hanggang 1 oras kada ehersisyo, ay malaki ang maitutulong para mapababa ang blood pressure (presyon ng dugo) at mapabagal o mapahinto ang sakit sa bato.