Isang napakabigat at nakaka-alarma ngayon ang pagtaas ng kaso ng STD o mga sakit na nahahawa sa pakikipag-sex. Syempre, ang pinaka-kinakatakutan ng bawat isa ay ang HIV/AIDS, isang sakit na bagamat ngayo’y may mga gamot na para pabagalin ang paglala nito, wala paring natutuklasang lunas na magtatanggal nito sa katawan.
Ika nga nila, ang pinakamabisang paraan ng pag-iwas sa STD ay pag-iwas sa sex. O di kaya’y pagiging matapat sa inyong asawa. Ito ang payo ng mga pare at sya ring payo ng mga doktor: Higit na epektibong paraan sa pag-iwas sa STD.
Ngunit hindi lahat ay kayang gampanan ito, kung kaya’t minabuti kong magsulat ng ilang mga payo upang makaiwas sa STD:
1. Magkaron ng iisa lamang na ka-partner. Alam naman nating lahat na ang pagkakaron ng STD ay dahilan sa pagiging ‘malikot’ ng mga tao sa kanilang sex life. Isipin mo na lang na kung ikaw at iyong asawa ang matapat sa isa’t isa mula pa noong umpisa ng inyong pagkamulat sa sex, 100% na sigurado kayong hindi kayo magkakaron ng anumang uri ng STD. May benepisyong pisikal rin pala ang mga payong ispiritwal!
2. Gumamit ng condom. Bakit nga ba maraming kalalakihan ang ayaw gumamit ng condom, samantalagang ito’y isang mabisang proteksyon laban sa maraming mga STD (ngunit hindi lahat). Tunghayan ang artikulong “Paano gumamit ng condom” sa Kalusugan.PH para sa karagdagang kaalaman. Bagamat sabi ng ilan, nakakabawas sa sarap ang pagkakaron ng condom (na hindi naman totoo sa lahat ng tao), ang ganitong mga dahilan, para sa akin, ay hindi sapat kung titimbangan laban sa mga panganib na dala ng sex ng walang proteksyon.
3. Ugaliing humindi sa mga mapanganib na gawain. Iba’t iba ang uri ng pakikipagtalik: may oral sex, vaginal sex, at anal sex. Ang anal sex ay isang ‘high risk’ o mapanganib na gawain lalo na kung walang proteksyon, lalo na kung ikaw ang ‘bottom’ o tiga-tanggap sa uri ng pagtatalik na ito. Ang oral sex o ang pagchupa ng ari ng lalaki ay may mga kaakibat rin na panganib ngunit mas maliit ito kaysa sa ibang uri ng pakikipagtalik. Matutong humindi sa mga uri ng sex na mapanganib; kung hindi mo ito magagawa, magproteksyon.
4. Magpa-check up ng regular. Sa halip na manghula ka sa sarili mo kung may STD ka ba o wala, lalo na kung alam mong may mga pagkakataon noong nakaraan para ikaw ay mahawahan, magpatingin sa doktor ang magpasuri ng iyong dugo para sa mga STD. Kung negative, ika’y magkakaron ng kasiguraduhan. Kung positive, e di maaagapan at magagamot alin man sa mga STD na meron ka.
5. Huwag uminom o mag-drugs habang nakikipag-sex. Ang pag-inom o pagdodroga ay isang tulay patungo sa mas mapanganib o high-risk na paraan ng pakikipagsex. Halimbawa, kung ang isang babae ay lasing na, maaaring hindi na siya makapalag kung ang ka-partner nya ay hindi gumamit ng condom.