Q: Paano malalaman kung nakunan ang isang buntis?
A: Sa ating mga Pinoy, kapag sinabing ‘nakunan’, ang ibig-sabihin nito ay natigil ang paglaki ng sanggol sa loob ng bahay-bata ng isang buntis, sa madaling salita, ito’y nawalan na ng buhay at hindi na matutuloy ang pagbubuntis. Ang salitang ‘nakunan’ ay maaaaring hango pa sa mga paniniwala na literal na ‘nakuha’ ng mga masamang espiritu ang buhay o diwa ng sanggol. Sa medisina, ang katumbas ng ‘nakunan’ ay ang tinatawag na ‘spontaneous abortion’. Ito’y hindi bihirang pangyayari sa mga kababaihan kaya magandang tanong ito.
Isa sa mga posibleng senyales na nakunan ang isang buntis ay kung siya ay dinudugo o nagkakaron ng vaginal bleeding o spotting, lalo na kung ito’y mas higit kaysa pangkaraniwang nararanasan ng buntis.
Pangalwa, ang pagkakaron ng kirot o sakit sa tiyan, sa balakang, o sa may bandang pwerta ay posibleng senyales rin na nakunan ang isang buntis.
Pangatlo, kung may napapansin ang isang buntis na pagbabago sa kanyang pakiramdam, halimbawa, parang sa pakiramam nya’y hindi na siya buntis at nawala na ang sintomas ng paglilihi ng biglaan, ito’y posible ring senyales na nakunan siya.
Upang makatiyak, magandang ipatingin sa isang OB-GYN upang makompirma kung talaga nga bang nakunan ang isang buntis. Isa sa mga paraan upang masuri ito ay sa pamamagitan ng ultrasound, isang paraan upang makita ang loob ng bahay-bata.