Ang pagkabaog o infertility ay ang kawalan ng kakayahang mabuntis (sa babae) o makabuntis (sa lalaki) sa kabila ng isang taon o higit pang pakikipagtalik ng walang ginagamit na kontrasepsyon. Maraming posibleng sanhi ang pagkabaog. Sa mga lalaki, kadalasan, may problema sa semilya. Tingnan ang “Pagkabaog o Infertility: Kaalaman at Sanhi” sa Kalusugan.PH upang makita ang partikular na mga sanhi ng pagkabaog sa lalaki.
Kung isang taon na at ang isang magkapartner na lalaki’t babae ay hindi pa ‘makabuo ng anak’, maaaring isa sa kanila ay may problema. Hindi ibig-sabihin nito na baog na sila, at wala nang magagawa. Ayon sa mga mag-aaral, nasa 50% ng mga problema tungkol dito ang pwede pang masolusyunan. Magpatingin sa doktor upang malaman kung baog ba talaga, at kung oo, anong sanhi nito.
Ang isang mahalagang pagsusuri ng gagawin sa isang lalaki ay ang semen analysis, o ang pag-inspeksyon ng tamod o semilya ng lalaki. Titingnan ito sa microscope at iba pang instrumento para makita ang mga sperm cells, at malaman kung sapat ba ang dami nila, maayos ba ang langoy nila (kailangan ito upang marating ang mga ‘egg cells’ ng babae), at iba pa. Para makolekta ang sample na ito, ang lalaki ay hihilinging magjakol o magpalabas ng semliya o tamod sa isang malinis na lalagyan. Pwede ring kunin ang semilya habang nakikipagtalik; kapag malapit nang labasan ay aalisin ng lalaki ang kanyang ari at magpapalabas ng semilya sa malinis na lalagyan.
Bukod sa semen analysis, ang pakikipag-usap as doktor ay mahalagang bahagi ng “imbestigasyon” kung baog ba talaga ang isang lalaki. Tatanungin sya kung nagkaroon ka ng mga impeksyon gaya ng beke (mumps), kung nasugatan ba ang iyong ari o mga katabing bahagi ng katawan gaya ng bayag. Itatanong rin kung anong uri ang iyong nagging trabaho. Ang mga lalaki na na-”expose” sa masyadong mainit na kondisyon ay maaaring maging sanhi ng pagkabaog.
Itatanong rin ang mga sekswal na gawain ng lalaki, gaya ng gaano kadalas makipagtalik; paggamit ng pampadulas o lubricant; at kung may gana bang makipagtalik ang lalaki, o kung nalilibugan ba sya tuwing nakikipagtalik. Dito papasok ang mga “psychological factors” na nagsasanhi ng pagkabaog.
May physical examination rin na gagawin ang doktor. Susuriin ang katawan para tingnan ang buhok at ang mga suso ng lalaki (kung ito’y malaki, maaaring may pagbabago as “sex hormones” gaya ng kakulangan ng testosterone). Kakapain din ang bayag kung may mga bukol at iba pa. Pagsasamasamahin ang mga impormasyon mula sa semen analysis, interview, at physical examination at mula rito, magkakaroon ng diagnosis o desisyon ang doktor kung ang lalaki ba ay baog o hindi.
Panghuling salita: Hindi dapat mag-alala kung ma-determinang baog ang isang lalaki… mahigit na 50% na mga kaso ng pagkabaog ay maaaring masolusyunan gamit ang iba’t ibang kaparaanan.
Tunghayan ang artikulong “Ano ang gamot sa pagkabaog ng lalaki?” upang malaman ang mga posibleng solusyon sa problemang ito.