Ang anemia ay maaaring makita sa complete blood count (CBC), isang laboratory test kung saan may kukunin na kaunting dugo sa katawan sa pamamagitan ng syringe. Sa blood test na ito, sisilipin sa microscope ang mga blood cells at bibilangin kung normal ba ang dami ng iba’t ibang uri ng blood cell. Para makita kung may anemia ba, at kung anong uri ng anemia, uusisiin ang mga ito:
1. Hemoglobin. Kung mababa ang hemoglobin, ibig sabihin, mababa ang bilang ng red blood cell. Ang normal na antas ng hemoglobin ay 14-18 mg/dL para sa mga lalaki at 12-16 mg/dL para sa mga babae. Kung mas mababa dito, maaari itong gamiting basihan para sabihing may anemia ang isang tao.
2. Hematocrit. Hematocrit naman ang porsyento ng red blood cell sa dugo. Kung ito’y mababa, maaaring mangahulugan ito na kulang ang red blood cell sa katawan.
3. MCH, MCHC, at MCV (Mean corpuscular hemoglobin, mean corpuscular hemoglobin concentration, at mean corpuscular volume). Ang mga ito ay sisilipin din dahil nagbibigay ito ng impormasyon tungkol sa hugis at anyo ng mga red blood cell. Ang impormasyon na ito ay makakatulong upang malaman kung anong uri ng anemia ang meron (kung meron man).
Bukod sa CBC, maaaring may iba pang mga laboratory test na ipagawa, depende sa suspetsa ng doktor na sanhi ng anemia. Halimbawa, kung kakulangan ng iron ay tinitingnan na posibilidad, maaaring mag-request ang doktor ng serum iron, karagdagang lab test na sinusukat ang antas ng iron sa dugo, para makita kung kulang nga ba talaga.