Paano malaman kung may breast cancer o kanser sa suso?

Ang pagtukoy ng breast cancer o kanser sa suso ay binubuo ng physical examination (pagsusuri ng doktor sa suso) at paggamit ng mga eksaminasyon gaya ng mammography at biopsy.

Ang mammography ay isang uri ng X-ray na naka-focus sa suso. Base sa mammography, maaaring makita kung may kahinahinalang bahagi ng suso na maaaring kanser.

Kung may nakitang bahagi sa suso na maaaring may cancer sa mammography o kahit sa pag-inspeksyon lamang, ang susunod na hakbang ay ang pagsasagawa ng biopsy, o pagkuha ng sample ng mga cells o tissue mula sa bukol. Sisilipin ang mga cells o tissue na ito gamit ang microscope ng isang pathologist at basi sa uri ng cells na makikita, masasabi niya kung may kanser o wala ang sample na nakuha. Iba’t iba rin ang uri ng cancer at ang kanyang makikita ay makakatulong sa pagtukoy ng wastong gamutan para dito.

Bukod sa mammography at biopsy, maaring mag-request ang doktor ng karagdagang mga X-ray gaya ng chest X-ray, CT scan, mga blood test, at iba pang pagsusuri.