Paano malaman kung may Colon Cancer (Kanser sa Bituka)?

Pinakamainam kung agad na matutukoy ang kanser sa bituka sa mga unang stage pa lamang. Sa mga taong nasa edad 50 pataas na siyang may pinakamataas na posibilidad ng pagkakaroon ng sakit na ito, inaasahan ang regular na check-up o screening upang maagapan ang sakit sa simula pa lang.

Isinasagawa ang tests o screening upang malaman kung mayroong pagdurugo sa pagdudumi. Kadalasan, kumukuha ng sample mula sa dumi at saka isasailalim sa pagsusuri gaya ng Fecal Occult Blood Test. Kung makitaan ng bakas ng pagdurugo, maaring gumamit ang doctor ng sigmoidoscopy, double contrast barium enema, o colonoscopy upang masilip ang loob ng bituka. Ang mga instrumentong ito na parang mga tubo ay pinapasok sa puwit. At kung may makitang kahinahinalang bukol o tumor, agad na magsasagawa ng biopsy upang makumpirma ang kung positibo sa sakit na colon cancer.

Inirerekomenda ng mga doktor ang regular na pagpapatingin o screening sa mga taong may edad 50 pataas. Ang sigmoidoscopy at double contrast barium enema ay maaaring isagawa kada 5 taon, at ang colonoscopy naman ay kada 10 taon.

Ano ang mga antas o “stages” ng Kanser sa Bituka?

Tulad ng ibang kanser, nahahati ang mga antas or stages ng kanser sa bituka ayon sa kung gaano kalaganap ang mga tumor at cancer cells.

  • Stage 0 – Ang maliit na bukol o tumor ay hindi pa madaling mapansin sapagkat ito ay nakapaloob pa sa lining ng isang bahagi ng bituka lamang. Malaki ang porsyento na maagapan ang kanser sa antas na ito kung agad na magsasagawa ng operasyon o surgery.
  • Stage I – Hindi lamang isang layer ng ng bituka ang apektado ng tumor. Maaring ito ay umabot na sa ikalawa at ikatlong layer. Malaki pa rin ang posibilidad na maagapan ang kanser sa antas na ito kung magsasagawa agad ng operasyon.
  • Stage II – Ang bukol ay mas malaki na at umuubok hanggang sa kalamnan ng bituka. Maaring ito ay kumakalat na sa iba pang bahagi ng bituka ngunit hindi pa sa mga kulani at kalapit na istraktura.
  • Stage III – Mayroon nang malalaking tumor sa bituka at ito ay nagsisimula nang kumalat sa mga 4 hangang 5 na kalapit na kulani sa labas ng bituka.
  • Stage IV – Ang kanser ay maituturing nang “metastatic” o kumalat na sa ibang parte ng katawan. Maaring naapektohan na ng tumor na may iba’t-ibang sukat ang baga, atay at iba pa.