Ang pagkakaranas ng constipation ay kadalasang hindi na nangangailangan ng masusing pagsusuri at mga eksaminasyon upang matukoy. Kadalasan, nalalaman na ito kahit pa hindi na magpatingin pa sa doktor. Ngunit kung ang sintomas na nararanasan ay seryoso, halimbawa ay hindi makadumi sa loob ng dalawang linggo, maaring dapat nang magpatingin sa doktor upang matukoy ang sanhi ng constipation.
Maaaring magsagawa ng sigmoidoscopy kung saan may pinapasok na tubo at ilaw sa butas ng puwit upang masilip at masuri kung may problema sa rectum at large intestine. Kung hindi ito sapat upang matukoy ang sanhi ng constipation, maaaring magsagawa ng colonoscopy, pagpasok ng tubo na may camera sa butas ng puwit, upang mapag-aralan nang buo ang colon. Pinag-aaralan din ang galaw ng mga muscle sa colon gamit ang eksaminasyon na anorectal manometry. Ang iba pang pasusuri na maaaring isagawa ay X-ray at barium tests.