Ang sakit na COPD ay kadalasang nasusuri lamang sa panahon na ito ay malala na at mahirap nang maagapan pa. Ito’y sapagkat kadalasan nagpapatingin lamang ang mga taong mayroong ganitong sakit kung kailan sila’y dumadanas na ng mga malubhang sintomas ng COPD. Kung kaya, mahalagang magpatingin agad at matukoy kung positibo sa COPD habang maaga pa. Upang matukoy ang pagkakaroon ng COPD, maaring isagawa ang mga sumusunod na pagsusuri:
- Pulmonary function test. Gumagamit ng spirometry upang masukat ang pangkabuuang kalusugan ng mga baga. Ang pasyente ay pinabubuga ng hangin sa isang tubo na konektado sa intrumetong spirometer na susukat naman kung ang baga ay malusog.
- X-ray sa dibdib. Maraming sakit at kondisyon sa baga ang maaaring matukoy sa pamamagitan ng X-ray sa dibdib. Kabilang na ang sakit na COPD.
- CT Scan. Madaling natutukoy ang pagkakaroon ng emphysema, isang sakit na bumubuo sa COPD, gamit ang computerized tomography scan. Gamit ito, nasisilip ang maliliit na detalye ng baga, maging ang maliliit na alveoli na apektado ng sakit na ito.
- Arterial blood gas test. Sa pamamagitan ng pagsusuring ito, natutukoy ang kakayanan ng baga na magbigay ng oxygen sa dugo at kunin ng carbon dioxide dito. Ang hindi balanseng lebel ng oxygen at carbon dioxide ay maaarig nangangahulugan ng pagkakaroon ng COPD.