Paano malaman kung may dengue?

Ang dengue fever ay nalalaman sa pamamagitan ng pag-uugnay ng mga sintomas at resulta ng pag-eexamine ng doktor. Bukod dito, may mga ilang eksaminasyon na pwedeng i-order ng iyong doktor upang ma-kompirma ang dengue, at masukat kung gaano kalala ang dengue fever.

Tourniquet test

Ang tourniquet test ay isang simpleng eksaminasyon kung saan ang instrumento na sumusukat ng presyon ng dugo o blood pressure ay hinahayaang nakabalot sa braso sa presyon nasa gitna ng diastolic at systolic na presyon (ang dalawang numero sa BP ng isang tao, halimbawa, 120 at 80 sa 120/80). Positibo ang tourniquet test kung may mga tuldok-tuldok na pula na makikita sa kamay at braso (10 o higit pang mga tuldok-tuldok sa loob ng isang pulgadang kahon o square inch). Kung positibo, malaki ang posibilidad (bagamat hindi sigurado) na dengue fever ang karamdaman.

Complete blood count at platelet count

Sa pagsusuri ng dugo, mahalagang bilangan kung ilan ang platelet, sapagkat ang mga platelet ang syang responsable sa pagsupil sa pagdudugo sa iba’t ibang bahagi ng katawan. Ang pagbaba ng platelet ay nangangahulugang madaming bahagi ng katawan na nangangailangan nito, at ang ibig-sabihin nito ay maaaring may sakit na nagdudulot ng pagdudugo. Ang normal na bilang ng platelet ay 150 hanggang 450; sa mga malalang kaso ng dengue, ang platelet ay bumababa sa mga numerong pwedeng bilangin sa daliri. Kaya rin sinusukat ang platelet ay para tulungang magdesisyon ang doktor kung kailangan bang salinan ng platelet o dugo ang pasyente. Bukod sa platement, binibilang rin ang hemoglobin at hematocrit na nagbibigay rin ng ‘clue’ kung dengue ba ang nararamdaman.

Dengue antigen, ELISA, at iba pa

Parami ng parami ang iba’t ibang eksaminasyon na pwedeng isagawa upang suriin ang presensya ng dengue virus sa katawan ng pasyente. Ang mga ito’y ay pamura narin ng pamura, ngunit hindi talaga dito nakasalaylay ang pagtukoy ng dengue, na sa ngayon ay nakadepende parin sa pagtugma-tugma ng mga sintomas sa isang pasyente.