Paano malaman kung may high blood o altapresyon?

Tinuturing na “taksil na sakit” ang pagkakaroon ng high blood pressure sapagkat hindi mo ito madaling nalalaman sa pag-uumpisa pa lang. Magugulat ka na lang na malala na ang kondisyon mo at nakakaranas ka na ng mga matitinding sintomas. Kung kaya’t mahalaga na regular na nagpapa-check-up upang matukoy agad pagkakaroon ng altapresyon. Maaaring masukat ang blood pressure sa pamamagitan ng sphygmomanometer. Gamit ito, maaaring mabasa kung mataas o mababa ang blood pressure. Kapag ang presyon ng dugo ay higit sa normal na na bilang na 120/80, itinuturing itong high blood pressure. Narito ang stages o antas ng altapresyon:

  • Normal: 120 over 80 (120/80)
  • Prehypertension: 120-139 over 80-89
  • Stage 1 high blood pressure: 140-159 over 90-99
  • Stage 2 high blood pressure: 160 o higit pa over 100 pataas
  • High blood pressure in people over age 60: 150 o higit pa over 90 pataas

Bukod sa sphygmomanometer, gumagamit din ng iba pang instrumento upang mabasa ng mas tiyak ang takbo ng puso at presyon ng dugo. Ginagamit ang Electrocardiogram (ECG) at Echocardiogram upang basahin ang kilos ng puso at mabantayan ang posibilidad ng matinding karamdaman na dulot ng hypertension.