Anong pagsusuri ang gagawin para malaman kung may katarata?
Bukod sa pagtatala ng mga sintomas at pag-eeksamin ng mata, ang doktor ay susuriin ang iyong paningin sa pamamagitan ng Snellen o visual acuity chart – isang papel na may mga letrang paliit ng paliit na ginagamit upang suriin kung gaanong kalinaw ang mata. Karaniwan, ang pasyente ay patatayuin sa layong dalawampung talampakan (20 feet) mula sa chart. Ipapatakip ang isang mata para masuri ang kakayahang makakita at makabasa ng bawat mata. Kung nababasa ng pasyente ang lahat ng letra, ibigsabihin, sa 20 feet ay kaya nyang basahin ang kaya ring basahin ng isang normal na tao sa ganoong layo. Ang sukat na ito ay itinatala na 20/20. Kung sa 20 feet naman ay ang kaya lamang basahin ng isang pasyente ay mga letra na nababasa pa ng mga normal na tao sa layong 50 feet, siya ay itinuturing na may paningin o vision na 20/50.
Bukod sa visual acuity chart, maaaring may iba pang mga eksaminasyon ang isagawa ng ophthalmologist, kagaya ng slit-lamp test kung saan sisilipin niya ang mga mata, at retinal examination na ginagamit para makita ang retina na nasa loob ng mata.