Dahil karamihan sa mga kaso ng sakit na ketong ay natutukoy sa mga liblib na lugar kung saan walang sapat na kagamitan sa pagsusuri sa sakit, ang pangunahing paraan para matukoy ang ketong ay sa pamamagitan ng pisikal na pagsusuri. Ang pagkakaroon ng mga kakaibang bukol-bukol, mga umbok at pamamanas sa balat na may kulay na maputla kung ikukumpara sa ibang balat, at ang pagkawala ng pakiramdam sa mga braso, kamay, binti at mga paa, ay maaaring tumukoy sa pagkakaroon ng ketong.
Ngunit upang makatiyak sa pagkakaroon ng impeksyon sa katawan, maaaring kumuha ng sample mula sa balat o magsagawa ng biopsy sa mga bahaging may kakaibang anyo at isailalim sa Ziehl-Neelsen stain o sa Fite stain. Sa pamamagitan nito, madaling matutukoy ang pagkakaroon ng Micobacterium leprae sa katawan. Minsan pa, maaari ding suriin ang dugo, at ilang organ sa katawan kung may presensya ng bacteria.