Ang pagtukoy sa pagbaba ng presyon ng dugo ay maaaring kailanganin upang malaman kung ano ang pinakasanhi nito. Makatutulong ito para malaman kung paano bibigyang lunas ang napapadalas na kondisyon. Maaaring masukat ang blood pressure sa pamamagitan ng sphygmomanometer. Gamit ito, maaaring mabasa kung mataas o mababa ang blood pressure. Kapag ang presyon ng dugo ay higit na mababa sa normal na sukat na 120/80, itinuturing itong low blood pressure. Bukod sa paggamit ng sphygmomanometer, maaari din makita ang pagkakaroon ng mababang presyon ng dugo sa pamamagitan ng mga sumusunod na eksaminasyon:
- Pagsusuri sa dugo o blood testing. Maaring matukoy dito kung mataas o mababa ang asukal sa dugo, o kung may anemia. Ang mga kondisyong ito ay nakaaapekto sa pagbagsak ng presyon ng dugo.
- Electrocardigram (ECG). Maaaring mabasa ang pagkilos ang puso at lakas ng daloy ng dugo sa pamamagitan ng instumentong ito na gumagamit ng mga electrical signals na dinidikit lamang sa balat ng braso, hita at dibdib.
- Echocardiogram. Binabasa din nito ang pagkilos ng puso pati na ang dugo na ginagamitan naman ng tunog o ultrasound idinidikit sa dibdib.
- Valsalva maneuver. Ginagamit ito upang matukoy kung may mali sa paggana nervous system kasabay ng ilang ulit na pagbasa sa bilis ng tibok ng puso at paghinga.
- Tilt Table Test. Ginagamit ito upang matukoy kung ang pagbagsak ng presyon ng dugo ay dulot ng problema sa nerves ng katawan dahil sa mga pagbabago ng posisyon ng katawan.