Paano malaman kung may Lung Cancer (Kanser sa Baga)?

Bukod sa mga sintomas na maaaring mapansin sa mga malalang kaso ng kanser, may ilang paraan pa upang masuri ang kanser sa baga. Maaaring ito ay sa pamamagitan ng imaging tests tulad ng x-ray, CT Scan at PET Scan. Gamit ang mga instrumentong ito, malalaman kung gaano kalawak ang bahagi ng katawan na apektado na kanser na nagsimula sa baga.

Maari din magsagawa ng pagsusuri sa likido na nagmula sa baga gaya ng plema o laway. Makikita rito kung mayroong namumuong cancer cells sa baga.

Ang pinaka-epektibong paraan upang malaman kung may kanser sa baga ay ang pagsasagawa ng biopsy. Sa paraang ito, kumukuha ng maliit na bahagi ng tumor sa baga upang pag-aralan. Kapag nakumpirma ang presensya ng kanser sa baga, magsasagawa pa ng karagdagang examinasyon upang matukoy ang lawak ng apektadong bahagi ng katawan at malaman kung anong antas na ang kanser.

Ano ang mga antas o “stages” ng Lung Cancer?

Ang mga antas ng kanser sa baga ay nahahati sa kung gaano kalawak ang bahagi ng katawan na apektado ng tumor na nag-umpisa sa baga. Kinokonsidera ang sukat o laki ng tumor, gayundin ang pagkalat ng cancer cells sa mga kulani at iba pang bahagi ng katawan. Mahalagang matukoy ang antas ng kanser upang malaman kung paano ang gamutan na isasagawa sa pasyente.

  • Stage 0 – Sa pagsisimula ng kanser sa baga, ang maliit na kanser ay nasa isang bahagi ng baga pa lamang at hindi pa kumakalat sa mga kadikit na bahagi.
  • Stage I – Ang kanser na ngayon ay isa nang ganap na tumor ay makikita lamang sa baga at hindi pa kumakalat sa mga kulani o iba pang bahagi ng katawan. Malaki ang posibilidad na maagapan ang sakit sa antas na ito kung matatanggal ang maliit na tumor sa baga sa pamamagitan ng operasyon.
  • Stage II – Mas malaki na ang tumor sa baga sa antas na ito at maaring nagsisimula nang kumalat sa iba pang bahagi ng baga at sa mga kalapit na kulani. Maaari pang rin matanggal ang malaking tumor sa pamamagitan ng operasyon.
  • Stage III – Sa antas na ito, mas laganap na ang kanser at ang tumor sa baga ay mahirap o imposible nang matanggal pa sa pamamagitan ng operasyon. Kumalat na rin ang tumor sa mga istrakturang nasa labas ng baga at sa mga kalapit na kulani gaya ng sa dibdib.
  • Stage IV – Sa malalang antas ng kanser, kumalat na ang tumor sa iba pang bahagi ng katawan na malayo sa bahagi ng dibdib.

Ang kanser sa baga na nasa ikatlo at ikaapat na antas ay maituturing na malala na at hindi malulunasan ng simpleng operasyon lamang. Kung ang kanser ay nagsimula nang kumalat sa mga kulani na malayo sa bahagi ng dibdib, o tumubo na sa ibang bahagi ng katawan gaya ng puso at mga daluyan ng dugo, mahirap o imposible nang matanggal pa ang sakit na ito.