Ang pagkakaroon ng sakit na polio ay madaling natutukoy sa pamamagitan ng pagsuri ng doktor sa mga sintomas na nararanasan ng pasyente. Maaaring ito ay ang pananakit ng mga kalamnan at kasukasuan, paninigas ng leeg at likod, abnormalidad sa pagkilos, at hirap sa paglunok at paghinga. Ngunit para makatiyak, maaaring suriin sa laboratoryo ang dumi, likido sa lalamunan, at likido sa paligid ng utak at spinal cord upang makita kung positibo sa poliovirus.