Kung may mga sintomas ng sakit sa bato, isa sa mahalagang pagsusuri na ipapagawa ng doktor ay ang blood chemistry, o pagtingin ng isang sample ng dugo para makita ang iba’t ibang kemikal na nadoon – kung normal ba ang mga antas nila. Partikular na mahalaga ang sukat ng creatinine. Ang normal na sukat ng creatinine ay 0.6 hanggang 1.2 milligrams (mg) per deciliter (dL) sa mga kalalakihan at 0.5 hanggang 1.1 mg/dL sa mga kababaihan. Kung mataas ang creatinine, nangangahulugan na maaaring may diprensya ang bato – bagamat hindi pwedeng ito lamang ang gawing basihan para masabing may problema nga ang bato. Ang BUN o blood urea nitrogen ay isa ring sukat na mahalagang tingnan. Basi sa creatinine, maaaring ma-compute ang glomerular filtration rate (GFR) na siyang sukat ng kakayanan ng mga bato na salain ang mga dumi ng katawan.
Bukod sa blood test na ito, ang urinalysis o pagsusuri ng ihi ay mahalaga rin upang makita kung may protina o dugo sa ihi. Minsan, sinusukat din ang dami ng ihi sa loob ng 24 na oras upang makita kung gumagana ba ng maayos ang mga bato.
Sa ilang mga kaso ng sakit sa bato, mahalagang makita kung ano ang itsura ng mga bato at para dito, isang mabisang paraan ay ang paggamit ng ultrasound. Kung malala na ang sakit sa bato, maaaring mag-iba ang hugis ng bato at magmukhang kulubot. Bukod sa ultrasound, pwede ring CT scan ang ipagawa para masilip ang mga bato.