Paano malaman kung na-stroke?

Ang stroke ay unang natutukoy sa pagkakaranas ng mga sintomas gaya ng pamamanhid ng kalahati ng katawan, kawalan ng balanse, hirap sa pagsasalita at pagintindi. Ngunti ang karamdamang ito ay maaaring makumpirma sa pamamagitan ng ilang mga pagsusuri at eksaminasyon. Maaring sumailalim sa mga sumusunod na eksaminasyon at pagsusuri upang makatiyak na nagkaroon nga ng stroke:

  • Eksaminasyon upang matukoy ang ilang mga kondisyon at karamdaman. Maaaring suriin ang pasyente kung positibo sa ilang mga kondisyon gaya ng altapresyon at atherosclerosis upang makumpirma ang pagkakaroon ng stroke.
  • Blood test. Tinutukoy din sa pagsusuri ng dugo ang bilis ng pamumuo ng dugo, at kung may abnormalidad sa lebel ng asukal sa dugo at ilan pang mga kemikal sa dugo.
  • CT Scan. Natutukoy sa CT scan ang pagkakaroon ng pagbabara o pagputok ng ugat na daluyan ng dugo sa utak.
  • MRI. Nakukumpirma rin ang mga pagbabara o pagputok ng ugat sa utak sa pamamagitan ng magnetic resonance imaging o MRI.
  • Ultrasound. Sa pamamagitan ng ultrasound, makikita ang mga pamumuo ng dugo o pagkakaroon ng pangangapal sa mga pader ugat na daluyan ng dugo.
  • Angiogram. Ginagamitan ng manipis at mahabang catheter para makulayan ang daluyan ng ugat at masilip ng mas maayos ang pagbabara ng ugat sa utak.
  • Echocardiogram. Ginagamit ang echocardiogram upang mabantayan ang aktibidad ng puso at makumpirma rin kung may problema dito. Ang problema sa pagkilos ng puso ay nakaka-kontribyut sa stroke.