Ang patuloy na pagdurugo ng isang nakabukang sugat ay kritikal na sitwasyon na kinakailangang mahinto sa lalong madaling panahon. Limitado lamang ang dami ng dugo na mayroon sa katawan at tiyak na kamatayan ang naghihintay kung sakaling maubos ito.
Upang maiwasan ang trahedya na maaaring kahantungan sa patuloy na pagdurugo ng sugat, mahalaga na malaman ang tamang hakbang sa pagtigil ng pagdurugo.
1. Linisin ang kamay at magsuot ng protective gloves.
Bago simulang pigilan ang pagdurugo ng sugat, tiyakin munang malinis kamay na gagamitin sa pamamaraan. Kung mayroong sabon at tubig, maghugas munang mabuti. Magsuot din ng protective gloves, kung mayroon, bago hawakan ang sugat. Ang hakbang na ito ay mahalaga para maiwasan ang posibleng impeksyon sa sugat.
2. Ilagay ang nasugatang pasyente sa tamang posisyon
Sunod na gawin ang paglalagay ng pasyente sa naaangkop na posisyon. Ang pasyente ay pahigain sa isang patag na sahig, lagyan ng sapin kung mayroon, habang nakataas ang bahagi ng katawan na may sugat (mas mataas sa kung nasaan ang puso).
3. Alisin ang mga nakahambalang na bagay sa sugat.
Upang mas madaling harapin ang pagdurugo, kinakailangang alisin muna ang anumang nakahamabalang sa sugat. Alisin o gupitin ang suot na damit ng pasyente na humaharang sa sugat, gayundin ang suot na mga alahas. Kung mayroong maliliit na piraso ng bagay na nasa sugat, alisin lamang ang mga pirasong madaling matanggal, habang iwan muna ang mga pirasong nakabaon sa sugat. Huwag subukang alisin ang mga nakabaong bagay sa sugat at hayaang ang eksperto ang gumawa nito.
4. Lagyan ng diin (pressure) ang sugat
Gamit ang isang malinis na tela, plastic bag o anumang malinis materyal na mayroon sa lugar, lagyan ng diin ang sugat sa loob ng 15 minuto. Gawin ito nang tuloy-tuloy at iwasang silip-silipin ang sugat habang dinidiinan. Kung ang tela ay basa na nang husto sa dugo, palitan ng bago at malinis na tela. Kung walang materyal na magagamit, saka lamang gamitin ang mismong kamay (bare hands) sa pagdidiin.
5. Huwag pakilusin ang pasyente
Sa oras na bumagal o huminto ang pagdurugo, tiyakin na hindi kumilos ang pasyente hanggang sa pagdating ng tulong. Ang ang kaunting kilos ay maaaring magsanhi ng muling pagbuka ng sugat at pag-agos muli ng dugo.
6. Humingi ng tulong
Agad na humingi ng tulong medikal kung ang pagdurugo ay patuloy pa rin kahit pa lumipas na ang 10 minutong tuloy-tuloy na pagdidiin sa sugat. Humingi din ng agarang atensyong medikal kung hinihinalang may pagdurugo sa loob ng katawan (internal bleeding) o kaya’y dumadanas ng sintomas ng shock ang pasyente.