Paano Matanggal ang “Beer Belly”: Apat na Hakbang na Pampaliit ng Tiyan

Bahagi na ng kulturang Filipino ang pag-inom ng alak lalo ng ng beer at dahil dito marami sa mga kalalakihan natin ang malalaki ang tiyan – taliwas sa tinitingalaang “ideal” na anyo ng isang lalaki na matipuno, tuwid at tindig at payat at tiyan, matigas at hitik sa muscle, hindi malambot at puno ng taba. Ngunit dahil nga sa pagkain at pag-inom, ito’y mahirap makamtan ng karamihan.

Talakayin natin ang eternal na tanong: Paano tanggalin ang “beer belly”? May paraan ba para paliitin ang tiyan?

Bago natin sagutin yan, pag-usapan muna natin kung bakit tumataba ang tiyan ng mga lalaki. Ang dahilan ay ang pagkakaiba sa pagkalat ng taba sa katawan ng mga babae at lalaki. Sa mga babae, sa balakang napupunta ang mga taba. Sa mga kalalakihan, sa tiyan ito naiipon.

Walang sikreto para magpaliit ng tiyan; bawat stratehiya na nalathala sa mga dyaryo’t magazine ay umiikot lamang sa mga prinsipyong bahagi na ng nating kaalaman, ngunit palaging nalilimutan. Bakit kaya? Kasi itong mga hakbang na ito ay hindi madali. Kailangang paghirap ang pagpapaliit ng tiyan.

Una, kumain ng sapat ng pagkain lamang. 

Image Source: familydoctor.org

Ang taba ay nabubuo dahil sobra ang pagkain sa kailangan ng katawan para bigyan ng enerhiya ang mga ginagawa ng isang tao sa pang-araw-araw. Ang sobrang pagkain na ito, imbis na magamit bilang enerhiya, ay naiipon bilang taba. Ang taba ay reserba ng enerhiya ng katawan ngunit kung hindi mo naman ito kinakailangan at lagi namang may pagkain na maaaring gamitin, dadami at dadami ang taba.

Ang tanong, anong ibig-sabihin ng “sapat”? Kailangan bang magsukat ng “calories” sa lahat ng kinakain? Hindi naman. Ang “sapat” ay depende sa iyong gingagawa sa pang-araw-araw; mas maraming pagkain na kailangan ay isang magsasaka kaysa sa isang manager na nakaupo lang sa opisina. Hindi ko kayo pahihirapan sa pagbibigay ng numero kung ilang calories lamang ang pwede. Tantiyan mo ang sarili, at kung maaring, dahan-dahanin ang pagbawas sa pagkain.

Pangalwa, Hinay-hinay sa alak at pulutan.

Image Source: www.matchingfoodandwine.com

Kaya nga “beer belly” ang tawag sa malaking tiyan! Ang mga inuman ay isang malaking kontribusyon sa mga tabang naiipon. Bakit? Bukod sa mga calories na nasa beer (kung maka-limang bote ka ng beer, ito’y katumbas sa isang tanghalian o hapunan), nariyan pa ang pulutan na karaniwa’y mga pagkain na maalat at mataba. Isipin mo na lang, paano gagamitin ng katawan lahat ng calories na ito? Idedeposito na lang niya ito bilang taba.

Pangatlo, mag-aerobic exercise 3-5 beses sa isang linggo. 

Image Source: www.health.harvard.edu

Ito’y angkop na angkop lalo na sa mga nagtatrabaho sa opisina. Ang aerobic exercise ay mga pag-eehersisyo gaya nang pagtakbo, jogging, swimming, at iba pa ay magbibigay ng pagkakataon na tumaas ang konsumo mo ng enerhiya sa bawat araw. Kung ito’y ginagawa mo ng regular at sapat (dapat higit sa 30 minuto bawat ensayo) at kontrolado ang dami ng kinakain mo, ang katawan mo’y maguumpisang kumuha ng enerhiya mula sa mga taba.

Pang-apat, Mag crunches araw-araw.

Image Source: www.mobiefit.com

Ang crunches ay parang “sit-ups” rin – inaangat ang ulo’t balikat papunta sa tiyan – ngunit sa crunches, hindi inaangat ang baba ng likod o lower back. itinuturing na mas-“safe” ang crunches kaysa sit-ups dahil maaaaring maka-apekto sa likod ang “sit-ups”. Anumang uri ng ehersisyo sa mga abdominal muscles o muscles sa tiyan ay pwde rin. Kung crunches, gawin ito ng 50 beses bawat “session” o higit pa.

Bakit ito nagpapaliit ng tiyan? Kung hitik ang iyong katawan at pirme ang mga muscle mo sa tiyan (ito ang tinatawag na “abs”), hindi “lololobo” ang taba sa iyong tiyan at ang mga taba ay mababatak. Kaya ugaliing mag crunches o iba pang exercise sa tiyan araw-araw, kung maaari nga ay gawin ito ng dalawang beses: isa pagkagising at isa bago matulog.

Siguradong marami pang ibang stratehiya na nirerekomenda tungkol sa paksang ito, ngunit subukan mo munang mag-umpisa sa apat na ito. Walang mahika dito at ang mga hakbang na ito ay maaring abutin ng ilang buwan bago magkaroon ng epekto. Ngunit kung ikaw ay matiyaga, may gantimpala!