Pag-iwas sa diaper rash

Isa sa mga pangkaraniwang sanhi ng pag-iyak ni baby ay ang hapdi na nararanasan niya dahil sa pagkakaroon ng rashes dahil sa lampin. Ang rashes o iritasyon ng balat sa bahaging nababalot ng diaper o lampin ay dulot ng pagkakababad ng balat sa lampin na basa ng ihi at dumi ni baby. Makikita ang pamumula ng balat, pagkakaroon ng pantal-pantal, mainit kung hahawakan, o kaya ay tuldok-tuldok na pulang marka.

Bilang magulang, masakit isipin na nasasaktan o nakakaranas ng hapdi si baby. Kaya naman nararapat lang na maiwasan, hangga’t maari, ang pagkakaroon ng ganitong kondisyon. Ang sumusunod na hakbang ay ilan sa mga siguradong paraan para maiwasan ang pagkakaroon ng diaper rash.

Image Source: unsplash.com

1. Regular na palitan ang diaper o lampin

Huwag hahayaan na mababad si baby sa basang lampin sapagkat ito ang pangunahing dahilan kung bakit nararanasan nila pagkakaroon ng rashes. Laging tiyakin na napapalitan ang diaper o lampin lalo na kung nabasa na ito ng ihi.

2. Hugasan nang maayos si baby

Ang ihi ay may matapang na kemikal na nagdudulot ng pagsusugat sa balat ni baby kung mabababad. Kung umihi si baby, tiyakin na mahuhugasan ng husto ang buong bahaging nabasa ng ihi.

3. Patuyuin muna si baby bago lagyan ng lampin

Pagkatapos naman hugasan si baby, hawan munang matuyo ang kanyang balat bago lagyan ng bagong lampin.

4. Gumamit ng pulbos bago maglagay ng bagong lampin

Mababawasan din ang iritasyon na nararanasan kung lalagyan ng pulbos o kaya ay gawgaw (cornstarch) ang balat ni baby bago lagyan ng lampin.

5. Gamutin ang pagsisimula ng iritasyon sa balat.

Kung nakitaan ng pagsisimula ng iritasyon sa balat ni baby, agad itong gamutin nang maiwasan ang paglala at pagkalat ng rashes.

6. Iwasang gumamit ng mga nabibiling baby wipes.

May ilang mga baby wipes na may taglay na matapang na amoy. Ito ay mula sa kemikal na dinagdag dito bilang panlinis. Dahil ang balat ng baby ay sensitibo sa mga kemikal, maaaring makadagdag din ito sa rashes na nararanasan ni baby.

7. Limitahan ang paggamit ng diaper

Bukod sa ihi, ang madalas na pagkiskis ng diaper sa balat ay nakaka-kontribyut din sa pagkakaroon ng rashes. Sa halip na gumamit ng diaper na karaniwang nabibili sa mga pamilihan, gumamit na lang ng malinis at tuyong tela bilang pantakip kay baby. Sa ganitong paraan, mas nakakahinga ng maayos ang balat sa paligid ng puwit ni baby.