Ang stress ay talaga namang sangkap sa pagkakaranas ng iba’t ibang kondisyon sa kalusugan. Bukod sa sakit sa ulo na dulot ng stress, marami nang pag-aaral ang nagpapatunay sa koneksyon nito sa ilang malalalang sakit gaya ng altapresyon, stroke, sakit sa puso, at iba pa.
Upang malabanan ang stress, kinakailangan ang tamang pagtugon, pag-agap at pag-alis sa stress na nararanasan,at maisasakatuparan lamang ito sa tulong ng stress management. Ang stress management ay ang komprehensibong hakbang ng pagkontrol sa stress na nararanasan ng isang indibidwal kung saan nakapaloob ang kumpletong pag-aaral mula sa pagtukoy sa mga sanhi ng stress, pag-iwas sa mga ito, pati na ang tamang pagtugon sa oras na dumating ang stress.
Ang pag-rerelax ay bahagi ng kumpletong hakbang sa pagkontra sa stress na nararanasan. Dito’y nabibigyan ng oportunidad ang katawan na makapagpahinga, at malayo ang isip sa mga problema sa buhay na naghahatid ng stress. Ang mga sumusunod na hakbang ay halimbawa ng paraan ng pagrerelax kontra sa stress na nararanasan:
Image Source: unsplash.com
1. Alisin ang ingay o lumayo sa kapaligiran na maingay.
Ang pagkakarinig sa iba’t ibang uri ng ingay ay maaaring makadagdag lamang sa stress na nararanasan ng isang indibidwal. Kaya naman mahalaga na lumayo sa lugar na maingay o alisin ang bagay na nagdudulot ng ingay sa kapaligiran. Ang simbahan, kapilya, zen garden, at maging silid aklatan ay mga halimbawa ng lugar na maaaring puntahan kung nais ng katahimikan.
2. Umupo sa paboritong upuan.
Maaring sa bahay, opisina o sa kwarto, umupo nang husto sa inyong paboritong upuan. Ibagsak nang husto ang mga kalamnan sa kinauupuan at iwasang kumilos o makipag-usap. Isandal din ang ulo sa sandalan ng upuan at ipatong ang mga kamay sa patungan.
3. Masahihin ang mga kalamnan ng mukha
Makatutulong sa pagrerelax ang simpleng pagmamasahe sa mga pagod na kalamnan ng mukha. Masahihin ang mukha mula sa noo, paligid ng mata, pisngi, sentido at baba. Alisin ang lahat ng tensyon na nararamdaman sa pamamagitan ng hakbang na ito.
4. Ipikit nang mahigpit ang mata
Ipikit ang mata at idiin ito nang husto hanggang sa maabot ang punto na komportableng nakapikit na ang mga mata.
5. Huminga ng marahan at malalim
Sabayan din ng marahan at malalim na paghinga ang pag-upo sa paboritong upuan. Magbilang ng limang segundo sa pagitan ng bawat paghinga hanggang sa mawala ang tensyon na nararamdaman.
6. Mag-isip ng masasayang bagay
Imbis na isipin ang mga problema na sanhi ng stress, balikan na lamang ang mga masasayang alaala sa isipan. Isipin ito habang nakapikit at humihinga ng malalim hanggang makalimutan ang mga problemang iniisip.