Pagkain na mabuti para sa mga may sakit sa bato

Imposibleng mabuhay ang isang tao nang walang bato o kidney.  Ito’y sapagkat may malalaking papel na ginagampanan ang pares ng bato sa kalusugan ng tao upang mabuhay. Bukod sa pagsasala ng dugo upang mailabas sa ihi ang mga dumi, naglalabas din ang mga bato ng ilang mahahalagang substansya sa katawan na mahalaga para mabuhay.

Ngunit sa mga taong dumadanas ng karamdaman sa bato o chronic kidney disease, ang mga mahahalagang papel na ito ay maaaring hindi magampanan ng husto. Upang maprotektahan ang mga bato mula sa karagdagang pagkasira nito, kinakailangan piliin ang mga pagkain na makapagbibigay ng benepisyo sa kalusugan ng mga bato.

1. Red bell pepper

Kilala at pangkaraniwan ang red bell pepper sa hapag ng mga Pilipino, kaya naman epektibo ito na pandagdag sa diet ng taong dumaranas ng karamdaman sa bato. Ito ay siksik sa mahahalagang sustansya na maaring makatulong sa paggaling ng mahinang bato. Mayroon itong Vitamin C, A, B6, folic acid, at mahahalagang fiber. Mababa naman ang taglay nitong mineral na maaaring makadagdag sa pasanin ng mahinang bato.

2. Repolyo

Ang repolyo ay isa rin sa mga pinakakaraniwang gulay na kinakain ng mga Pilipino. Ito rin ay mayamang mapagkukunan ng mahahalagang phytochemical na kayang protektahan ang katawan mula sa nakakasamang free radicals. Mayaman ito sa Vitamin K, C, at mahahalagang fiber. Mayroon din itong Vitamin B6 at folic acid. Ito ay ideyal na pagkain para sa mga sumasailalim sa dialysis.

3. Cauliflower

Makpagbibigay din ng mahahalagang sustansya at bitamina ang gulay na cauliflower sa mga taong may mahihinang bato. Ang mahahalagang sustansya na kailangan ng bato gaya ng Vitamin C, folate at fiber ay matatagpuan din sa gulay na ito

4. Bawang

Sa pangkalahatan, ang bawang ay makatutulong sa kalusugan sa pamamagitan ng pagpapababa sa lebel ng nakakasamang chlesterol sa katawan. Bukod sa stroke at sakit sa puso, ang mga bato ay nakikinabang din sa pagbaba ng lebel ng cholesterol sa dugo.

5. Sibuyas

Gaya ng bawang, ang sibuyas ay karaniwan ding pampalasa sa maraming uri ng putaheng Pilipino. Ang flavonoids na makukuha sa sibuyas ay isang malakas na uri ng antioxidant na makakapagbibigay ng proteksyon hindi lamang sa mga bato kundi pati na rin sa buong katawan.

6. Mansanas

Ang sustansya na makukuha sa mansanas, partikular sa balat nito, ay makatutulong nang husto sa pagbibigay ng proteksyon sa nanghihinang mga bato. Nakababawas ito sa implamasyon na dinaranas ng bato na mayroong sakit at pinapababa nito ang panganib ng pagkakaroon ng kidney cancer.

7. Ubas

Ang antioxidant na flavonoid na mayamang nakukuha mula sa mapulang ubas ay may benepisyong hatid din sa kalusugan ng mga bato. Tinutulungan nito ang maayos na daloy ng dugo habang iniiwasan ang pamumuo ng dugo (blood clot) na maaring maging sanhi ng stroke. Ang anthocyanin sa mapulang ubas ay makapagbibigay din ng proteksyon sa nanghihinang bato laban sa ipa bang kondisyon gaya ng kanser.

8. Puti ng itlog

Makapagbibigay naman ng mahalagang protina ang puti ng itlog na walang dinadagdag na cholesterol sa katawan. Ang protina ay mahalaga sa paghilom ng mahinang bato na dulot ng sakit.

9. Olive oil

Ang monounsaturated fat na makukuha sa olive oil ay makatutulong sa pagbibigay ng proteksyon sa bato laban sa karagdagang sakit na maaaring makapagpahina pang lalo sa mga bato. Bagaman may kamahalan ang presyo nito, malaki naman ang maitutulong nito sa pagpapanatiling masigla ng mga bato.

10. Strawberry

Ang mapupulang strawberry na karaniwang nakikita sa Baguio at Benguet ay mayaman din sa anthocyanin at ellagitannin na mahahalagang antioxidant. Mayroon din itong Vitamin C at mahalagang fiber. Ang mga sustansyang ito ay pareparehong makatutulong sa pagpapanatili ng kalusugan ng mahinang bato.