Ang pagpapalipas ng gutom o fasting ay hindi na bago sa ating pandinig. Ito ay isang gawain kung saan umiiwas sa pagkain o binabawasan ang dami ng kinakain sa loob ng nagkatakdang haba ng panahon, maaring ilang linggo o maging ilang buwan.
Para sa ilan, ito ay karaniwang gawain para mapanatili ang ninanais na timbang at mawala ang sobrang taba sa katawan. Ngunit para naman sa iba, ito ay isang uri ng sakripisyo na bahagi na ng kanilang kultura o relihiyon. Ang mga muslim ay nagpapalipas sa panahon ng Ramadan, ang mga budhista na nagpapalipas para marating ang walang hanggang kapanatagan, habang ang mga katoliko naman ay inaanyayahan din ng simbahan na magpalipas sa panahon ng kwaresma (Lenten season).
Ayon sa mga eksperto, ang pagpapalipas ng gutom, kung magagawa sa tamang paraan, ay maaaring makabuti o kaya’y wala namang masamang epektong maidudulot sa katawan. Ngunit kung ito mapapabayaan, maaari namang dumanasn ng hindi kanais-nais na epekto.
Ano ang maaaring epekto sa katawan ng pagpapalipas ng gutom?
Pagkain ang pangunahing pinagkukunan ng lakas ng bawat nilalang para mabuhay. Dito nanggagaling ang mga nutrisyon at sustansya na kinakailangan ng katawan. Kaya naman, kung aalisin o babawasan ang pagkaing tinatanggap ng katawan sa bawat araw, tiyak na hahanap ang katawan ng ibang mapagkukunan ng enerhiya upang mapanatili ang maayos na paggana ng mga sistema ng katawan.
Ang unang pinangagalingan ng lakas sa pagkawala ng pagkain ay ang mga glucose o asukal na nakaimbak sa atay at mga kalamnan. Ito ay mabilis na pinoproseso ng katawan upang magamit bilang enerhiya. Ngunit sa oras na maubos ang mga nakaimbak na asukal, kasunod namang ginagamit ng katawan ang mga nakaimbak na taba. Sinusunog ang mga ito at sumasailalim sa ilang proseso para magamit ng katawan bilang enerhiya. Ito naman ay nagreresulta sa mabilis na pagkabawas ng timbang.
Kung magpapatuloy ang pagpapalipas ng gutom at hindi pa rin sapat ang pagkain na tinatanggap ng katawan upang gumana ng maayos, ang pagkaubos ng taba ay tiyak na susundan ng paggamit ng katawan sa mga protina ng mga kalamnan bilang enerhiya. Ito ay nakasasama na sa kalusugan.
Paggamit ng katawan sa mga protinang nakaimbak sa mga kalamnan
Image Source: www.gnc.com
Ang kondisyong ito ang siyang ikinababahala ng mga alagad ng medisina sa tuwing sumasailalim ang ilan sa pagpapalipas ng gutom. Bagaman ito ay malayong mangyari sa minsanang pagpapalipas ng gutom, ang ilang araw na kawalan ng regular na pagkain ay maaaring humantong sa ganitong kondisyon.
Sa terminong medikal, tinatawag na “starvation” ang ganitong kondisyon. Ang mga protina na nakaimbak sa mga kalamnan sa iba’t ibang bahagi ng katawan ay unti-unting nadudurog at ginagamit ng katawan bilang enerhiya. Ang nakababahala rito ay mga epektong gaya ng matinding panghihina, malaking kabawasan sa timbang, at pangangayayat nang husto ng pangangatawan.
Kung magtutuloy-tuloy pa ang kawalan ng pagkain, ang kondisyon ng starvation ay maaaring humantong sa isa-isang pagpalya ng mga organ sa katawan hanggang sa magresulta ito sa kamatayan.
Wastong pagpapalipas o fasting
Upang maiwasan na humantong sa starvation ang pagpapalipas o fasting, kinakailangang may sapat na carbohydrates at fats na nakaimbak sa katawan. Mangyayari lamang ito kung mapapanatiling balanse at may sapat na dami ang bawat nutrisyon sa mga kinakain sa araw-araw, lalo na sa panahon na hindi naman nagpapalipas o nagfa-fasting.