Pagsusugat at Pangangati ng Utong

Q: ano po ang gamot sa nagsusugat ang paligid ng utong.ang tagal po kasi gumaling.mawawla pero bumabalik din po sya.pinatingin ko na din po sya nirisetahan po ako ng gamot at gumaling ng isang linggo pero bumalik ang pagsusugat. Para po siyang ngtutubig,nangangati,nagsusugat.salamat po doc.

A: Ang pagsusugat sa paligid ng utong ay isang malaking perwisyo at nakakasagabal sa mga kababaihan. Base sa iyong kwento, ang mga karakter na iyong karamdaman at mga sintomas ay ang mga sumusunod:

  • Pagsusugat sa paligid ng utong.
  • Pangangati sa paligid ng itong.
  • Pagtutubig ng sugat.
  • Gumaling na,ngunit bumabalik

Maraming posibileng sanhi sa iyong naikwento. Ang pinaka-karaniwan ay tinatawag na ‘atopic dermatitis’, isang uri ng allergy. Mayroon bang may mag allergy o asthma (hika) sa iyong pamilya? Kung oo, may posibilidad na pati ikaw ay pwedeng magkaroon nito.

Gaya ng ibang allergy, ang atopic dermatitis ay pwedeng sumpungin kung ma-irita ang balat dahil sa iba’t ibang bagay, gaya ng mga sabon at pabango o iba pang mga kemikal na pinapahid sa balat o ginagamit sa damit gaya ng mga fabric softener. May naaalala ka bang pagbabago sa pag-gamit mo ng mga produktong ito bago nag-umpisa ang pangangati? Ang pagkakaron ng dry skin, at matagal na pagkababad sa tubig ay isa ring posibleng dahilan nito.

Bagamat bihirang mangyari, isa pang posibilidad ay ang tinatawag na ‘Paget’s Disease of the Breast’, na isang uri ng kanser sa suso o breast cancer. Muli, ito’y bihirang-bihira, at hindi kita gustong takutin, ngunit magandang malaman mo ito sapagkat ang sintomas ng kanser na ito ay kamukha ng mga sintomas ng allergy o ‘atopic dermatitis’ sa utong. Ito’y mas karaniwang sa mga nakakatandang kababaihan (higit 50 years old) ngunit pwede ring mangyari sa mas nakakabata.

Ang pagkakaron ng impeksyon ay isa pang posibilidad, lalo na kung ikaw ay nagpapasuso sa baby, o di kaya mahilig kagatin ng asawa mo ang iyong utong.

Matutukoy lamang kung ano ba ang sanhi ng iyong mga sintomas kung magpapatingin ka sa doktor, at pinapayo kong gawin mo ito sa lalong madaling panahon. Sino ba ang nagreseta sa iyo ng mga gamot nung una? Mabuti pa ay balikan mo na lang sya at ikwento ang mga pagbabago at pagbalik ng iyong karamdaman.