Pagsusuka ng buntis o morning sickness, paano maiiwasan?

Ang kondisyon ng pagduduwal o pagsusuka ng mga buntis lalo na sa umaga ay isang pangkaraniwang kondisyon na kung tawagin ay Morning Sickness. Ang kakaibang kondisyon na ito na madalas nararanasan ng mga buntis sa unang 3 buwan ng kanilang pagbubuntis o first trimester ay nananatiling misteryo pa rin sa mundo ng medisina. Hanggang sa ngayon, wala pa ring sapat na pag-aaral ang makapagsasabi kung ano ba talaga ang sanhi ng kondisyong ito, ngunit may mga ebidensya na nagpapatunay na ito ay hindi isang sakit na sikolohikal at may mga teyorya din na nagsasabing maaaring konektado ito sa pagbabago sa lebel ng hormones sa katawan.

Ayon sa mga eksperto, maaaring maiwasan ang dalas ng pagsusuka sa pagbubuntis kung susundin ang mga sumusunod:

1. Kumain nang madalas, iwasang magutom.

Ang madalas at paunti-unting pagkain ay makatutulong para maiwasan ang kondisyon ng morning sickness. Iwasang magutom, ngunit iwasan din ang sobrang pagkabusog. Tandaan na ang pagkagutom at sobrang pagkabusog ay ang mga pangunahing sanhi ng pagsusuka sa mga buntis.

2. Uminom ng maraming tubig

Pagkatapos kumain, laging uminom ng tubig. Iwasan ding pagsabayin ang pag-inom ng tubig habang kumakain nang sa gayon ay hindi kaagad mapuno ang tiyan na maaaring magbunsod ng pagsusuka.

3. Mas piliin ang mga malambot at may sabaw na pagkain

Upang matulungang mapabilis ang pagtunaw sa pagkain, mas mainam na palitan ng soft at liquid diet ang kinakain. Humigop ng mga sabaw, katas ng prutas at gulay, at mga pagkain na madaling matunaw.

4. Iwasan ang matatabang pagkain

Ang mga pagkaing magrasa at mataba ay nakadaragdag sa pakiramdam ng pagsusuka. Makatutulong kung iiwasan ang mga taba ng karne, mga pritong pagkain na nababad sa mantika, at iba pang pagkain na matass sa cholesterol.

5. Iwasan ang paglalagay ng matatapang na pampalasa sa pagkain

Dahil mas nagiging sensitibo ang pang-amoy at panlasa ng mga buntis, maaaring magbunsod din ng pagsusuka kung dadagdagan ng mga pampalasa at pampabango ang mga pagkain. Hayaan na lamang muna na karaniwang lasa ang manaig sa mga kinakain ng buntis.

6. Uminom ng Vitamin B6

Makaiiwas din daw sa pakiramdam ng pagsusuka ang karagdagang Vitamin B6 o Pyridoxine kung kaya’t madalas itong irekomenda ng mga doktor sa mga dumaranas ng morning sickness.

7. Mag-ehersisyo

Ang pag-eehersisyo ay may malaking tulong sa pangkabuuang kalusugan kahit sa mga buntis. Ang simpleng paglalakad ay mabisa para maiwasan ang anumang kondisyon gaya ng pagsusuka sa mga buntis.