Minsan, ang patataeng nararanasan ay pabalik-balik o mahirap talagang maalis kahit inuman pa ng gamot para sa pagtatae. Ang mga ganitong klase ng kondisyon ay kadalasang hindi lamang dulot ng simpleng pagkakakain ng sirang pagkain, bagkus ay bunga na ng mas seryosong kondisyon kondisyon sa katawan. Maaaring magpatuloy ng ilang araw hanggang ilang linggo ang ganitong kondisyon hangga’t hindi nasosolusyonan ang pinaka-sanhi ng pagtatae.
Ang sumusunod ay ilan sa mga karaniwang dahilan ng pangmatagalang pagtatae.
1. Lactose Intolerance
Ang kondisyon ng lactose intolerance o ang kawalan ng abilidad na tunawin ang gatas ay isa sa mga karaniwang dahilan ng pagtatae. Dahil dito, makakaranas ng pananakit ng tiyan at matubig na pagdumi.
2. Celiac Disease
Kung ang mga may lactose intolerance ay walang abilidad na tunawin nag lactose sa gatas, ang mga taong may celiac disease naman ay walang kakayanang tunawin ang gluten sa mga tinapay. Ito rin ay magdudulot ng pagtatae.
3. Impeksyon ng parasitiko
May ilang mga parasitiko na makapagdudulot ng pagtatae kung makakapasok at maninirahan sa bituka at sikmura. Halimbawa na ang amoeba at ilan pang mga maliliit na organismo na may buntot (flagellates). Kung hindi magagamot at maalis ang mga parasitikong ito, maaaring lumala ang impeksyon at magsugat ang mga bituka.
4. Crohn’s Disease
Ang Crohn’s disease o ulcer sa bituka ay makapagdudulot din ng pagtatae bilang sintomas. Kadalasan pa, may kasama din itong pananakit at pagdurugo sa pagdumi.
5. Kanser
Ang kanser, partikular na ang Colorectal Cancer ay isa ring sanhi ng pagtatae na pangmatagalan. Ang mga tumor na tumutubo ay makaaapekto sa normal na paggana ng mga bituka at maaaring makaranas ng pagbabago sa dalas ng pagtatae. Maaaring ito ay maging matubig na diarrhea o kaya naman ay maging matigas at magkaroon ng pagtitibi.
6. Iba pang seryosong karamdaman
Ang mga pagbabago sa sistema ng paggana ng katawan na dulot ng iba’t ibang sakit na nararanasan tulad ng diabetes, hyperthyroidism, at scleroderma ay may iba’t ibang komplikasyon na maaaring idulot sa kalusugan kabilang na ang dalas ng pagtatae.