Madalas nating naririnig, “wag kang magpapaulan, magkakasipon ka!” o kaya naman, “naulanan ka ba? dali, maligo ka at baka magkasipon ka.” Lagi nilang sinasabi, na maaari daw magkasipon kapag naulanan ang ulo o kaya’y nagpatuyo ng ulan sa katawan. Ngunit ang tanong, may koneksyong nga ba ang pagkakabasa sa ulan at ang pagkakaroon ng sipon?
Unang-una, dapat nating alalahanin na ang sipon ay isang karaniwang sakit na dulot ng ilang uri ng virus na mas kilala bilang COLD virus. Sa oras na makapasok at makalampas sa lahat ng uri ng depensa ng immune system ng katawan ang COLD virus, tiyak ang pagkakaroon ng sipon. Ang mga pangunahing sintomas na mararanasan sa pagkakaroon ng sipon ay pananakit at pangangati ng lalamunan at ngalangala, sunod-sunod na pagbahing, pagtulo ng malapot na likido sa ilong, pagbabara sa ilong, pananakit ng ulo, at pagluluha ng mga mata. Matapos ang ilang araw ng pagkakaroon ng sipon, ang virus ay maaaring dumami sa katawan at maaaring sumama sa talsik ng laway kasabay ng pagbahing o kaya ay pag-ubo. At dahil dito, ang sipon ay nakakahawa.
Ngayon, ano ang koneksyon ng ulan sa COLD virus? Sa katunayan, ang sagot ay wala.
Hindi ka magkakasipon sa simpleng pagkakabasa lamang sa ulan, o kahit pa matuyuan ka nito sa katawan. Ang COLD virus ay hindi nagmumula sa ulan. Ngunit huwag kaliligtaan na dahil sa ulan, mas tumataas ang posibilidad na magkahawaan ng sipon. Paano ito nangyari? Tandaan na kapag umuulan, ang mga tao ay mas madalas na nananatili lamang sa loob ng bahay, kung kaya’t ang hangin na nalalanghap ng isa ay siya ring nalalanghap ng iba. Sa paraang ito, nagkakaroon ng oportunidad ang COLD virus na pumasok sa katawan ng bawat miyembro ng pamilya o kasambahay. At kapag nagkataon na mababa ang resistensya ng isa, magsisimula na ang pagkakaroon ng sipon.
Sa huli, makakatulong pa rin na makaiwas sa pagkakaroon ng sipon kung pananatilihing malinis ang katawan at malakas ang resistensya.