Hindi na bago ang pakiramdam ng pamumulikat. Minsan sa ating buhay, maaaring nakaramdam na tayo ng biglaang paninikip, paninigas, at matinding pananakit sa ating kalamnan na maaaring sa binti, hita, o paa. Ang kondisyon ng pamumulikat, o sa Ingles ay muscle cramps, ay ang tuloy-tuloy na inboluntaryong paninikip ng mga kalamnan. Nagaganap ito dahil sa muscle spasm at maaaring makaapekto sa mga kalamnan sa hita, binti, paa, kamay, braso, at maging sa dibdib at tiyan. Walang makapagsasabi kung gaano ito magtatagal, maaaring ilang sigundo lang, ilang minuto, at minsan pa ay isang oras o higit pa.
Bakit nararanasan ang pulikat?
Ang pagkakaranas ng pamumulikat ay maaaring may iba’t ibang dahlan. Kabilang dito ang sumusunod:
- Mahinang sirkulasyon ng dugo.
- Pagkapagod ng mga kalamnan.
- Kakulangan ng tubig sa katawan o dehydration.
- Kakulangan ng magnesium o potassium sa katawan.
- Sobrang pagkilos o pag-eehersisyo sa ilalim ng init ng araw.
- Hindi sapat na pagbabanat ng kalaman (stretching) bago ang matinding pagkilos o pag-eehersisyo.
- Sobrang pagkilos sa isang bahagi ng kalamnan.
- Problema sa paggana ng mga nerves na konektado sa mga kalamnan.
- Kakulangan ng calcium sa mga inang nagbubuntis
- Ang pamumulikat ay maaari ding side effect ng ilang gamot gaya ng sumusunod:
- donepezil, gamot na ginagamit para pabagalin ang epekto ng Alzheimer’s disease
- nifedipine, gamot para sa altapresyon
- albuterol at terbutaline, mga gamot para sa hika
- lovastatin, fluvastatin, atorvastatin, simvastatin, mga gamot para pababain ang cholesterol sa katawan
May komplikasyon ba ang pagkakaranas ng pulikat?
Bagaman ang pamumulikat ay nakapagdudulot ng matinding pananakit, di komportableng pakiramdam, at siyempre, abala sa oras, wala namang malalang kondisyon o komplikasyon ang maaaring mag-ugat dito. Ngunit hindi dapat ito isawalang bahala lalo na kung ang pagakakaranas nito ay tuloy-tuloy, napapadalas, at nagtatagal sapagkat maaari itong sintomas ng ibang mas seryosong kondisyon gaya ng kakulangan ng sustansya sa katawan. Makabubuting magpatingin sa doktor kung dumaranas ng ganito.
Ano ang dapat gawin kung pinupulikat?
Image Source: www.dietdoctor.com
May ilang mga hakbang na madaling gawin sa oras na maramdaman ang pamumulikat at nang maibsan ang pananakit na nararanasan. Una sa lahat, dapat ay itigil muna ang ginagawa at magpahinga. Pagkatapos nito ay maaaring i-masahe, i-stretch, tapalan ng yelo, o kaya ay pahiran ng asin ang bahagi ng katawan na dumadanas ng pamumulikat.
Halimbawa, kung nakararanas pulikat sa likod ng binti (calf muscle), makatutulong ang pag-istretch sa mga binti habang naka-upo sa lapag at hinihila palapit sa ulo ang mga paa; kung pinupulikat naman sa mga kalamnan sa harap ng hita (thigh muscles), makatutulong ang pagtupi ng binti palikod at palapit sa puwit habang nakatayo. Syempre pa, mas mabilis din na mawawala ang pananakit ng pulikat sa pag-inom ng mga inuming may electrolytes tulad ng mga sports drink na Gatorade at Pocari Sweat.
Ano ang dapat gawin upang maiwasan ang pamumulikat?
Image Source: www.freepik.com
May ilan ding mahuhusay na hakbang na dapat isaalang-alang upang maiwasan ang pamumulikat. Narito ang ilan:
- Bago ang matinding pagkilos, tiyaking sapat na makapag-stretch muna ang mga kalamnan upang hindi mabigla. Ang warm up pati na ang cool down bago ang pag-eehersisyo ay malaking tulong upang maiwasan ang hindi inaasahang pamumulikat ng mga kalamnan.
- Tiyaking nakaiinom ng sapat bago, habang at pagkatapos ng aktibidad. Maiuugnay ang pamumulikat ng mga kalamnan sa kakulangan ng tubig sa katawan kaya marapat lang na iwasang mauhaw.
- Kung kumilos nang mahabang oras at pinagpapawisan, tiyaking napapalitan ang nawawalang electrolytes sa katawan. Uminom ng mga inuming may electrolytes tulad ng mga sports drink na Gatorade, Powerade at Pocari Sweat.
- Iwasang mapagod nang husto lalo na kung ang panahon ay mainit.
- Magpahinga.
- Para naman sa mga nagbubuntis, tiyaking hindi nagkukulang ang calcium sa katawan. Maaaring uminom ng mga supplement at ugaliing uminom ng gataas.