Sa pagpasok ng teknolohiya sa ating henerasyon, ang paggamit ng kompyuter ay tila bahagi na ng pang-araw-araw na buhay ng kahit na sino. Gamit-gamit ito sa mula sa pag-aaral at pagsasaliksik, hanggang sa paglilibang at pagpapalipas ng oras, at maging sa pagtatrabaho ay ginagamitan pa rin ng teknolohiyang ito.
Ngunit sa kabila ng mas pinadaling buhay dulot ng mga kompyuter, ang kalusugan ng mga mata ay nalalagay naman sa panganib. Direkta kasing naaapektohan ng screen ng kompyuter ang kalusugan ng mga mata lalo na kung ito ay sobrang liwanag.
Image Source: unsplash.com
Upang maiwasang maapektohan nang husto ang mga mata mula sa paggamit ng computer, maaaring sunding ang mga sumusunod na pay:
1. Ipantay ang lebel ng liwanag ng computer sa liwanag sa paligid
Ang lahat ng computer screen na ginagamit sa ngayon ay maaaring i-adhust ang liwanag kung ninanais. Upang hindi kaagad mapagod ang mga mata sa paggamit ng computer, tiyakin na ang liwanag sa screen ay kapantay lang ng liwanag sa paligid. Ang sobrang maliwanag o sobrang madilim na computer screen ay parehong makasasama sa mata.
2. Bawasan ang liwanag ng screen sa paglalagay ng screen filter
Maaari ding lagyan ng filter ang screen ng computer nang sa gayon ay makontrol ang liwanag nito sa lahat ng oras. Ang mga screen filter kasi na mabibili ngayon ay kusang nag-aadjust sa liwanag na lumalabas sa computer.
3. Paliwanagin ang paligid ng screen (screen background) habang paitimin naman ang kulay ng mga letra
I-adjust din liwanag ng background at kulay ng mga letra sa computer upang mas madali itong mabasa. Sa ganitong paraan, maiiwasang dumoble ang pagtatrabaho ng mata sa at hindi ito kaagad mapapagod.
4. Ilipat ang pwesto ng kompyuter kung kinakailangan
Kung ang lugar na kinalalagyan ng computer ay sobrang maliwanag o sobrang madilim, mangyaring ilipat na lamang ang pwesto ng kompyuter sa lugar na may mas angkop na liwanag para sa mga mata.
5. Gumamit ng salamin na angkop sa paggamit ng kompyuter
May teknolohiya na rin na inilagay sa mga salamin sa mata na kusang nag-aadjust depende sa liwanag na nasa paligid. Makatutulong ito upang hindi masilaw at maiwasan ang mabilis na pagkapagod ng mga mata.