Paraan ng pagpapatibay ng buto

Ang mga buto ay may mahalagang papel na ginagampanan sa buhay, hindi lamang ng mga tao, kundi pati na rin ang ibang mga hayop. Ito ay nagsisilbing suporta sa buong katawan upang ito ay mabuo at makatayo nang maayos. Ito rin ay nagpoprotekta sa mga sensitibo at delikadong bahagi ng katawan gaya ng utak, spinal cord, puso, at baga. Dahil sa mahahalagang papel na ito, marapat lamang na mapanatiling matibay at matatag ang mga buto.

Image Source: learningenglish.voanews.com

Ang mga sumusunod ay ilan sa mga epektibong paraan ng pagpapatibay sa mga buto:

1. Dagdagan ang calcium mula sa mga inumin at pagkain

Ang mineral na calcium ang pangunahing substansya na bumubuo sa mga buto. Kaya naman, nararapat lamang na dagdagang ang pagkonsumo sa mga pagkaing mayaman sa mineral na ito kung nais manatiling matatag ang mga buto. Ngunit tandaan pa rin na hindi sapat na tanging calcium lamang ang dinadagdag sa katawan, ‘pagkat kailangan din ang katuwang na Vitamin D upang masipsip ng mga buto ang mahahalagang mineral.

2. Huwag kaligtaan ang Vitamin D

Gaya nga ng unang nabanggit, ang calcium ay nangangailangan ng tulong upang siya’y lubos mapakinabangan ng mga buto. At ang substansyang katuwang ng calcium ay ang vitamin D. Mahalaga ang Vitamin D upang masipsip nang husto ng mga buto ang pumapasok na calcium sa katawan. Makukuha ang vitamin D sa ilang mga pagkain gaya ng hipon, sardinas, at pula ng itlog. Pero ang pinakakilalang paraan ng pagkakaroon ng Vitamin D sa katawan ay ang pagbibilad sa araw.

3. Dagdagan din ang Vitamin K

Pinakakilala ang Vitamin K sa pagpapanatili ng kalusugan ng dugo, ngunit ayon sa ilang mga bagong pagsasaliksik, nakaka-kontribyut din ito sa pagbuo ng protina sa mga buto na tumutulong pa rin sa pagpapatibay nito. Isa pang pag-aaral ang nagsasabi na mas lalo pang bumubuti ang pagpasok ng calcium sa mga buto kung parehong may Vitamin D at K sa katawan.

4. Pataasin ang kinokonsumong potassium

Ang mineral na potassium ay mas kilala rin sa ibang pakinabang nito sa kalusugan. Ngunit lumalabas sa mga bagong pag-aaral na ang potassium ay tumutulong na mapahupa ang araw-araw na pagkawala ng calcium sa mga buto sa pamamagitan ng pagpapahina sa mga asidong responsable sa pagkawala ng calcium.

5. Regular na mag-ehersisyo

Isa sa mga benepisyong makukuha sa regular na pag-eehersisyo ay ang pagkakaroon ng matitibay na mga buto. Sa pamamagitan nito, mas napapaliit ang posibilidad na magkaroon ng osteoporosis o pagrupok ng mga buto sa pagsapit ng katandaan.

6. Bawasan ang kinokonsumong caffeine

Bagaman may mabubuting epekto din naman ang caffeine sa ating kalusugan, ang sobrang pagkonsumo nito ay maaaring hindi naman makabuti sa mga buto. Maaari kasing harangin ng substansyang ito ang tuloy-tuloy na pagpasok ng calcium sa mga buto at maka-kontribyut sa pagrupok ng mga buto sa paglaon ng panahon.

7. Huwag manigarilyo

Isang pang rason para itigil ang paninigarilyo ay ang kakayanan nitong harangin ang pagpasok ng calcium sa mga buto pagliit mismo ng mga buto.

8. Umiwas sa pag-inom ng alak

Ang sobrang pag-inom ng alak ay maaaring pumigil sa paggana ng Vitamin D sa katawan na magreresulta sa paghina ng mga buto.