Ang PhilHealth, o Philippine Health Insurance Corporation, ay ang ahenysa na ka-partner ng pamahalaan sa pagbibigay ng murang seguro at mga benepisyong pangkalusugan sa bawat Pilipino. Ang bawat miyembro nito ay inaasahang magbayad ng halaga (premium) na nakabase sa kanyang kinikita kada buwan. Noong January 2014, naglabas ang PhilHealth ng bagong listahan ng kontribusyon para sa mga empleyado, OFW, mga may sariling kita o indibidwal na nagbabayad, at mga kasali sa sponsored program ng PhilHealth. Ito ay epektibo hanggang sa taong 2015.
Para sa mga empleyado.
Ang bawat empleyado na miyembro ng PhilHealth at kabilang sa kategoryang ito, pati na ang kanilang mga benepisyaryo, ay makatatanggap ng kabuuang benepisyo ng PhilHealth gaya nag pagpapa-ospital, pagpapagamot sa mga malulubhang karamdaman gaya ng kanser, at iba pang mga benepisyo sa ilalim ng National Health Insurance Program (NHIP).
Para sa mga OFW
Ang mga Overseas Filipino Workers ay nabibilang sa Overseas Workers Program (OWP) ng PhilHealth. Sila ay inaasahang magbabayad ng kontribusyon na nagkakahalagang P2,400.00/taon. Maaari nila itong bayaran ng buo, P2,400.00, para sa taunang kabayaran, o kaya kalahati lamang, P1,200.00, para naman sa mga nais magbayad na kada 6 na buwan.
Para sa mga may sariling kita, at mga indibidwal na nagbabayad
Ang mga miyembro na may sariling kita (self-employed) at mga nagbabayad na indibidwal (individual paying members) ay maaaring magbayad base sa sumusunod:
- Para sa mga kumikita kada buwan ng P25,000 o mas mababa pa – P2,400.00
- Para sa mga kumikita kada buwan ng mas mataas sa P25,000 – P3,600.00
Ang mga miyembrong kabilang sa kategoryang ito ay maaaring magbayad kada 3 buwan (quarterly), 6 na buwan (semi-anually), o kada taon (anually).
Para sa mga sponsored
Ang mga miyembrong sponsored ay ang mga indibidwal na ang kabuuan o bahagi ng buong kabayaran ay sinusubsidyohan ng kaniyang sponsor na maaring nagmula sa mga LGU, pribadong sektor, mga mambabatas, at iba pang sangay ng pamahalaan. Sila ay may kontrobusyon na P2,400.00 kada taon.
Ayon din sa PhilHealth, ang mga miyembro na nasa ilalim ng kategoryang sponsored, pati na ang kanilang mga benepisyaryo ay makatatanggap ng kabuuang benepisyo ng PhilHealth gaya nag pagpapa-ospital, at pagpapagamot ng mga malulubhang karamdaman gaya ng kanser. Sila rin ay sakop ng No balance Billing (NBB) Policy at Primary Care Benefit 1 (PCB1) Package.