Mga kaalaman tungkol sa anestisya

Ano ang anestisya at para saan ito?

Ang anestisya ay isang pamamaraang medikal na isinasagawa ng isang anesthesiologist o spesyalista sa pag-aanestisya upang pansamantalang mamanhid, mawalan ng malay, pabagalin ang mga paggana ng mga ilang bahagi ng katawan, mawala ang alaala o kaya ay mapa-relax ang mga kalamnan upang hindi makakilos. Isinasagawa ito upang maisakatuparan ang ibang procedure na maaaring magdulot ng matinding pananakit sa katawan.

Kanino at kailan isinasagawa ang anestisya?

Ang pag-aanestisya ay kadalasang isinasagawa sa mga taong sasailalim sa operasyon o anumang pamamaraang medikal na magdudulot ng matinding sakit gaya ng pagbunot ng ngipin.

Anu-ano ang mga pamamaraan ng pag-aanestisya?

Image Source: nagelrice.com

Mayroong iba’t ibang uri ng pag-aanestisya depende sa kondisyon at paraang isasagawa sa pasyente. Maaaring magsagawa ng local anesthesia o paglalagay ng anestisya sa ispesipikong bahagi ng katawan kung saan ang pamamanhid ay mararanasan lamang sa bahaging maaaring makaramdam ng pananakit. Halimbawa ay sa ngipin ko kaya naman ay sa ari ng lalaki kapag tutulian. Mayroon ding regional anesthesia o paglalagay ng anestisya sa maliit na bahagi ng katawan kung saan ang pamamanhid ay mararansan sa bahaging makakaramdam ng sakit pati na sa paligid na bahagi nito. Maaari itong isagawa sa buong braso at kamay, o kaya naman sa buong hita hanggang sa paa. Puwede din sa bahagi ng tiyan lamang o kaya ay sa dibdib na bahagi. Ang isa pang pamamaraan ng pag-aanestisya ay ang general anestisya na makaaapekto sa utak at sa buong katawan. Ang taong sumailalim sa general anestisya ay kadalasang walang malay.

Paano isinasagawa ang anestisya?

Ang pagsasagawa ng anestisya ay depende rin sa uri ng pamamaraan ng anestisya. Halimbawa, sa paglalagay ng local anestisya, gaya sa pagbubunot ng ngipin, ang pampanahid ay tinuturok lamang sa bahagi ng bagang kung nasaan ang ngipin na bubunutin. Sa regional anestisya naman, ang pampamanhid ay tinuturok sa isang buong nerve o ugat na makaaapekto sa isang buong bahagi ng katawan gaya ng buong braso, o ibabang bahagi ng katawan. Halimbawa nito ay ang anestisya sa pagsasagawa ng Caesarian Section. Sa pagsasagawa naman ng general anestisya kung saan pinupuntirya ang mismong central nervous system, kabilang ang utak, maaaring iturok, ipalanghap, o ipainom. Matapos ito’y pansamantalang mapaparalisa ang buong katawan.

Paano paghahandaan ang pag-aanestisya?

Isang araw bago isagawa ang anestisya, na kadalasan ay pinapaalam naman ng doktor, dapat ay walang kakainin o iinumin na kahit ano. Tandaan na tumitigil din ang paggana ng ilang bahagi ng katawan kabilang na ang daluyan ng pagkain sa oras na umepekto ang anestisya. Pinaiiwas din ang pasyente sa mga gamot na makapagpapanipis ng dugo gaya ng aspirin. Makatutulong din ang pagiging panatag ng isip at buong katawan bago isagawa ang pag-aanestisya, kung kaya, hanggat maaari, ay hindi dapat kabahan. Makinig sa lahat ng payo ng doktor bago ang pagsasagawa ng anestisya.

Gaano katagal ang epekto ng anestisya?

Ang epekto ng anestisya ay tumatagal ng ilang oras lamang matapos ang operasyon. Depende rin ito kung gaano kalakas at sa anong uri ng anestisya ang ginamit. Ang mga pasyente na tumanggap ng local at regional anesthesia ay maaari nang makakilos at makauwi pagkatapos lamang ng operasyon, samantalang sa general anesthesia naman, maaring manatili pa ang pasyente sa loob ng recovery room sa loob ng ilang oras pagkatapos ng operasyon.

Ano ang maaaring epekto ng anestisya sa katawan?

Sa pangkalahatan, ang mga pamamaraan ng pag-aanestisya ay tinuturing na “safe” at wala namang seryosong epekto sa katawan. Sa local at regional anesthesia, kadalsan ay wala namang nararanasang epekto. Ngunit sa general anesthesia, maaaring makaranas ng pagsusuka, pagliliyo, pagkapagod, pagiging antukin, at panginginig.