Ano ang dialysis? Para saan ito?
Ang dialysis ay isang procedure o proseso kung saan ang mga tungkulin ng bato o kidney, katulad ng pagsasala at paglilinis ng dugo sa katawan, ay ginagawa sa isang makina. Sa madaling salita, humahalili ang isang makina sa trabaho ng kidney o bato. Sa hemodialysis, ang karaniwang uri ng dialysis, ang makina ay kinakabit sa mga ugat ng dugo o blood vessel.
Kanino ginagawa ang dialysis?
Ang dialysis ang ginagawa sa mga taong may sakit sa bato o chronic kidney disease na umabot na sa puntong hindi na gumagana ang mga bato. Hindi ito nakakalunas o nakakatanggal ng sakit sa bato, kung kaya’t ito’y dapat ginagawa ng tuloy-tuloy.
Gaanong katagal at gaanong kadalas ginagawa ang dialysis?
Image Source: www.nih.gov
Kadalasan, ang isang “dialysis session” ay tumatagal ng 3 hanggang 4 na oras. Ang pasyente ay karaniwang nakaupo habang ito’y ginagawa. Maaari siyang manood ng TV, magbasa ng libro, matulog, makipagkwentuhan, o gumamit ng cellphone o tablet habang ang dialysis ay ginagawa. Babantayan lamang ang blood pressure kada 15 o 30 minutes habang ito’y ginagawa.
Paano paghandaan ang dialysis?
Ilang araw bago isagawa ang dialysis, may ilang bagay na dapat paghandaan ang pasyenteng isasailalim sa procedure na ito. Unang una, dapat ay bawasan muna ang protina at potassium sa mga kakainin. Maaaring bawasan muna ang pagkain ng karne, mga beans, saging, maging ang paginom ng gatas. Dapat ay inumin din ng tama ang mga gamot na irereseta na doktor. Ang mga gamot na ito ay tumutulong sa pagkontrol ng tubig sa katawan pati na sa presyon ng dugo. Malaking tulong din ang sapat na pahinga bago ang dialysis.
Anong maaaring side effect ng dialysis?
Image Source: lifestyle.mb.com.ph
Bagaman malaki ang naitutulong ng dialysis sa mga pasyenteng may malalalang kaso ng sakit sa bato, hindi pa rin mawawala ang mga posibleng side effects nito sa pasyente. Sa mga pasyenteng sumasailalim sa hemodialysis, ang pinakakaraniwang nararanasan ay ang pagbaba ng presyon ng dugo. May posibilidad din na maimpeksyon ang lugar na tinusok para pag-daluyan ng dugo kung sakaling hindi malinis ang lugar kung saan isasagawa ang dialysis. Maaari ding maranasan ang pangangati ng balat matapos isagawa ang dialysis. May posibilidad din na makaranas ng depresyon, pagiging balisa at maaari din maapektohan ang kagustuhang makipagtalik.
Anong dapat gawin pagkatapos ng dialysis?
Matapos isagawa ang dialysis, ang pasyente ay kadalasang makararanas ng pagkapagod. Kung kaya’t pinapayuhan ang pasyente na magpahinga ng sapat hanggang sa makabawi ang katawan. Dapat din na panatilihing masigla ang katawan sa pamamagitan ng pagkain ng masusustansyang pagkain, ngunit dapat ay may kontrol sa mga kinakaing protina, potassium at phosphorus. Makatutulong din ang regular na pageehersisyo, pag-aalaga sa “access” o ang lugar na tinusukan para sa pagdaluyan ng dugo para sa dialysis, at pag-inom sa mga niresetang gamot.