Mga Kaalaman Tungkol sa Raspa (Dilation & Curettage)

Ano ang raspa at para saaan ito?

Ang raspa, o dilation and curettage (D&C), ay isang pamamaraan na isinasagawa upang makakuha ng maliit na bahagi ng laman mula sa loob ng matres. Isinasagawa ito ng mga doktor upang matukoy at magamot ang ilang kondisyon sa matres, gaya ng sobrang pagdudrugo, o kaya naman ay malinis ang loob ng matres pagkatapos malaglag ng ipinagbubuntis. Ginagamitan ito ng instrumentong bakal na kung tawagin ay curette na maaaring may talim sa dulo o panghigop (suction).

Kanino at kailan isinasagawa ang raspa?

Ang pagraraspa ay maaaring isagawa sa sinumang kababaihan na dumadanas ng kondisyon sa kanyang matres. Maaaring irekomenda ng doktor ang pagpaparaspa kung mayroong abnormal na pagdurugo sa matres, kung dumadanas ng pagdurugo kahit lumipas na ang menopause, o kung natukoy ang pagkakaroon ng mga bukol na maaaring may kaugnayan sa cervical cancer. Isinasagawa din ang pagraraspa upang alisin ang mga natirang laman sa loob ng matres matapos ang pagkakalaglag ng ipinagbubuntis at maiwasan ang impeksyon at patuloy na pagdurugo.

Paano isinasagawa ang raspa?

Ang pagraraspa ay isinasagawa sa ospital o klinika sa rekomendasyon ng isang doktor. Ang proseso ay mabilis lamang na karaniwang tumatagal lamang 15 hanggang 30 minuto. Ang pasyente ay maaring bigyan ng general anesthesia kung saan makakatulog habang isinasagawa ang pagraraspa, o kaya ay spinal anesthesia kung saan kalahati lamang ng katawan ang mamamanhid. Ipinapasok ang instrumentong curette sa loob ng matres upang makakuha ng maliit na bahagi ng laman. Ang laman na nakuha ay pag-aaralan naman sa laboratoryo. Matapos isagawa ang pagraraspa, maaring dalhin muna sa recovery room ang pasyente habang hinihintay ang resulta.

Gaano katagal bago makuha ang resulta ng raspa?

Ang resulta ng raspa ay depende sa kaso o paghihinala ng mga doktor. Maaaring isagawa ito nang agaran at makuha na ang resulta sa mismong araw na isinagawa ang operasyon, o kaya ay magtagal pa ito nang hanggang 3 araw.

Ano ang mga sakit na ginagamitan ng raspa para matukoy?

Sa tulong ng raspa, maaaring matukoy ang ilang kondisyon sa matres gaya ng kanser, pagtubo ng mga polyps, at pangangapal ng mga gilid ng matres. Sa tulong din nito, maaaring maiwasan ang impeksyon at patuloy na pagdurugo pagkatapos malaglag ng ipinagbubuntis.

May epekto ba sa katawan ang raspa?

May ilang epekto na karaniwang nararanasan matapos mawalan ng bisa ang anestisya. Maaaring dumanas ng pananakit sa bahagi ng matres (cramping), o kaya ay dumanas ng patak patak na dugo (spotting). Ang mga epektong ito ay hindi naman seryoso at hindi dapat ikabahala. Ang mga komplikasyon, bagaman bibihira lamang mangyari ay posible pa rin. Ang mga posibleng komplikasyon ng operasyon ay patuloy na pagdurugo, lagnat, umiigting na pananakit, at mabahong pagtulo sa puwerta. Agad na magpatingin sa doktor kung dumanas ng komplikasyon.