Bago sumailalim sa isang operasyon, kalimitang pinapagawa ang eksaminasyong PT at PTT maliban pa sa CBC. Ngunit ito rin ay ipinapagawa sa ilan pang sitwasyon, halimabawa na ay kung may sakit sa atay, may hinalang problema sa pagdurugo, o kung may iniinom na gamot na maaring makaapekto sa pamumuo ng dugo.
Prothrombin Time (PT)
Image Source: <a href=”https://www.ucsfhealth.org/medical-tests/prothrombin-time-(pt)” rel=”nofollow”>www.ucsfhealth.org</a>
Ang Prothrombin Time na mas kalimitang tawaging PT ay sumusukat sa bilis at kakayanan ng dugong mamuo. Ito ay para malaman kung madaling duguin ang isang pasyente—importanteng bagay na malaman, lalo na kung sasailalim sa malaking operasyon. Ang kalimitang normal na resulta ay ang pamumuo ng dugo sa loob ng 10-12 segundo ngunit ang pamantayang ito ay maaring magbago sa iba’t ibang laboratoryo. Ilang bagay na maaring makaapekto sa resulta ng PT ay ang mga sumusunod: kakulangan sa bitamina K, pag gamit ng oral contraceptives, pag inom ng warfarin (isang gamot na pumipigil sa pamumuo ng dugo), problema sa atay, at problema sa dugo.
Partial Thromboplastin Time (PTT)
Image Source: unsplash.com
Sinusukat ng lab exam na ito ang “labnaw” o “lapot” ng dugo. Kalimitan itong pinapagawa sa mga pasyenteng gumagamit ng heparin. Ang heparin ay nakakapagpalabnaw ng dugo (blood thinning) kung kaya hindi kaagad namumuo ang dugo kung sakali masugatan. Makikita rin sa PTT kung may problema sa pagdurugo ang isang tao. Hinihingi rin ang pagpapagawa nito kapag sasailalim sa operasyon ang pasyente. Ang kalimitang normal na resulta ng PTT ay pumapatak sa pagitan ng 30-45 segundo ngunit maari rin itong magbago ng bahagya depende sa· laboratoryong pinagpagawaan.