Ang asukal ang pinakakaraniwang pampatamis na dinadagdag sa maraming uri ng pagkain at inumin na ating kinokonsumo. Ang bawat tahanan ay tiyak na laging may ganito sa kusina. Ngunit ang tanong, aling asukal nga ba ang mas mainam gamitin at mas makabubuti sa ating kalusugan, ang pula ba o ang puting asukal?
Ang asukal, pula man o puti, ay produkto mula sa tubo o sugar cane. Ang katas ng tubo ay pinoproseso hanggang sa ito ay maging asukal. Ang pulang asukal ang siyang natural na kulay nito dahil sa molasses na kasamang nakukuha mula sa tubo. Nagbabago lamang ang kulay nito at nagkakaroon ng puting asukal kapag inalis ang molasses at isinailalim sa proseso ng bleaching. Bukod sa kaibahan sa kulay, ang dalawang asukal ay may kaibahan din sa lasa. Ang pulang asukal ay ‘di hamak na mas matamis at malasa, habang ang puti ay katamtaman lang.
Magkaiba din ang sustansyang taglay ng dalawang asukal. Dahil inalis ang molasses sa puting asukal, ito ay purong sucrose o matatawag na purong asukal; samantalang ang pulang asukal na may taglay pang molasses ay makikitaan pa ng kaunting mahahalagang mineral gaya ng iron, calcium, magnesium at potassium. Ngunit huwag magpapadala sa kaibahan ng taglay na sustansya ng dalawang uri ng asukal dahil sa katunayan, ang presensya ng napakakaunting mineral sa pulang asukal ay halos wala namang epekto o benepisyo sa kalusugan.
Sa huli, payo ng mga doktor na kontrolin pa rin ang dami ng kinokonsumong asukal sa araw-araw sapagkat maaaring pag-ugatan ng mga karamdaman ang sobra-sobrang tamis sa pagkain.